Ang Pagharap Sa Covid-19: Kwento Ng Isang Kapitan

Si Captain Marlon Quiñones na lumaban sa COVID-19 outbreak sa kanyang barko, nakitang namatay ang isa sa kanyang mga tauhan at nakaligtas upang ibahagi ang kanyang kuwento.

By Liz Lagniton, Philippine correspondent, Maritime Fairtrade

“Ang pagharap sa ganoong kahindik-hindik na sitwasyon—lalo na kapag ikaw mismo ay may COVID-19—ang pinakamasamang karanasan sa aking buhay-dagat,” sabi ng 45-anyos na kapitan ng container vessel na Athens Bridge sa isang eksklusibong panayam ng Maritime Fairtrade. 

Captain Marlon Quiñones
Captain Marlon Quiñones

Bukod sa karaniwang alalahanin sa pag-aalaga sa cargo ship at sa 21 nitong tripulante, dumaan si Quiñones sa 15-araw na paglalakbay na nakita ang kanyang mga dating malusog na mga tauhan na nagkaroon ng nakamamatay na virus, at naghahabol ng hininga, na ikinasawi pa ng isa.

Nagsimula ang lahat sa nakakapagod na gawain ng paglipat ng mga kargamento sa mga daungan ng India ng Chennai at Kattupali, ang karaniwang mga port of call ng Panamanian-flagged Athens Bridge. Umalis ang cargo ship sa Kattupalli noong Abril 22 at nagkaroon ng maayos na paglalakbay sa Port Kelang sa Malaysia kung saan mayroon din itong regular na operasyon doon na natapos din noong araw na iyon. 

“Maayos na naisagawa ang operasyon ng barko hanggang sa umalis kami sa Port Kelang noong Abril 26. Ang bilin mula sa charterer noong panahong na iyon ay laktawan ang Singapore at dumirekta na sa Haiphong, Vietnam,” ani Quiñones.

Simula ng pagsubok ng kapitan

Matapos ang tatlong araw na paglalayag, nalaman ng kapitan na ang second officer niya ay nilalagnat at inuubo.

“Dahil ang mga ito ay sintomas ng COVID-19, agad kong ipinaalam sa aming head office at ibinukod ang second officer,” sabi ni Quiñones, na humingi din ng medikal na payo mula sa International Radio Medical Center sa Roma.

Ngunit sa sumunod na araw (Abril 30), sinabi ni Quiñones na nagsimula siyang  makaramdam ng parehong sintomas na mayroon ang second officer. Maging ang kanyang third officer at messboy ay nagkaroon na rin ng mga sintomas.

“Ipinaalam namin agad sa aming Haiphong agent, at inutusan kaming mag-angkla pagdating namin sa Haiphong, Vietnam,” anang kapitan. Agad aniya silang sumailalim sa COVID-19 test pagdating nila doon noong Mayo 1.

Dumating ang resulta kinabukasan kung saan lumabas na positibo ang 12 sa 21 tripulante, kasama si Quiñones sa novel coronavirus.

“Kaya pagkatapos naming matanggap ang kakila-kilabot na balitang iyon mula sa aming Haiphong agent, nagpasya ang port authority ng Haiphong, Vietnam na hindi na kami papasukin, maliban na lang kung ang lahat ng mga tripulante ay mapalitan muna,” ani Quiñones. Ngunit ipinagbawal ng awtoridad sa daungan ang anumang ‘crew changes’ sa mga hindi Vietnamese. 

“Samakatuwid, sinabi ko sa aming ahente na ang pinakamabilis na paraan upang maisakatuparan ang mga kinakailangan sa pantalan ay ilihis ang barko sa Maynila, na agad niyang sinang-ayunan,” sabi ni Quiñones. 

Muling tumulak ang Athens Bridge, pero sa pagkakataong ito ay patungong Maynila na tumagal ng tatlong araw. Sa mga sandaling iyon, naging isang coronavirus-infected prison ang barko sa loob ng halos isang linggo.

“Kinailangan kong ayusin ang sarili ko noong mga panahong iyon dahil bukod sa kapakanan ng aking mga tauhan, ang pangunahing inaalala ko ay kung paano paandarin nang ligtas ang barko pabalik ng Maynila dahil ako, lahat ng deck officers, engineers, at ang aming kusinero at messboy ay nahawaan na rin ng COVID-19,” pagbabalik-tanaw ng kapitan.

Labanan ang mas nakakahawang Delta variant

Maayos na napamahalaan ni Quiñones ang kanyang kondisyon, salamat sa kanyang asawa na nagkaroon ng real-time na komunikasyon sa kanya at nagbigay sa kanya ng lakas ng loob. Sa kabilang banda, lumala ang ubo ng kanyang second officer, maging ang kondisyon ng kanyang third officer ay mabilis ding lumalala.

 “Ang kanilang oxygen saturation ay mas mababa sa normal, kaya’t hiniling nilang lagyan sila ng oxygen upang matulungan sila sa kanilang paghinga,” ani Quiñones. Maswerte rin aniya na nauna ng iniutos ng kanilang head office ang pagkakaroon ng karagdagang supply ng oxygen para sa barko bago umalis sa Haiphong noong Mayo 3.

“Nahirapan akong tingnan sila, nakakadurog ng puso na makita ang aking dalawang opisyal na hinahabol ang kanilang paghinga,” dagdag ni Quiñones, na kinailangang harapin ang dalawang extra bridge watches na naiwang bakante ng dalawang opisyal.

Ang kapitan mismo ang kumuha sa mga naiwang trabaho ng dalawa sa bridge sa tulong ng isang anti-bodied seaman na may karanasan sa watchkeeping, habang ang siyam na tauhan na nag-negatibo sa virus ay nakatalagang magluto at mag-alaga sa kanilang mga maysakit na kasamahan sa barko.

“Kung makikita mo lang kung gaano kahirap para sa kanila na magsuot ng buong PPE (personal protective equipment) habang nakasara ang air condition at nakabukas ang lahat ng pinto,” paggunita ni Quiñones.

“Nagpapasalamat ako na mayroon akong very professional crew, maayos na teamwork noong mga panahong iyon. Ang nabuo namin sa barko na pakikipagkapwa ang tumulong sa amin upang mapagtagumpayan ang laban sa COVID-19 habang nasa dagat,” aniya. 

Dumating ang Athens Bridge sa Manila Bay noong Mayo 6 kung saan agad na sinalubong ng mga coast guard at quarantine authority. Inanunsyo rin kalaunan ng Department of Health (DOH) na siyam sa 12 na crew members ng barko ang positibo sa mas nakakahawang Delta variant ng novel coronavirus.

“Sinuri ng (Bureau of Quarantine) doktor ang kondisyon ng aking dalawang opisyal at isinugod sila sa ospital, habang ang iba pang positibong crew (kabilang ako) ay dinala sa isang quarantine hotel,” sabi ni Quiñones.

Matapos ipadala ang kanyang dalawang bridge officer at dalawa pang tauhan sa ospital, pinanganuhan din ng kapitan ang paglipat ng kanyang mga tauhan sa isang quarantine facility. Sa kasamaang palad, namatay ang isa sa mga opisyal noong Mayo 21.

Para talunin ang hirap, lahat ng ito ay nasa isip lang

Sa kanyang 12 taon bilang kapitan ng barko, itinuring ni Quiñones ang karanasang ito na pamunuan ang isang COVID-19 infected na barko habang siya mismo ay pasyente din at kalaunan ay nakitang namatay ang isa sa kanyang mga opisyal bilang hindi malilimutang pagsubok sa buong karera niya sa dagat. 

“Bago ko ma-motivate ang iba, kailangan ko munang i-motivate ang sarili ko,” ani Quiñones. Aniya, ito ang punto sa kanyang buhay kung saan naalala niya ang paghihikayat ng kanyang mga upperclassmen noong siya ay nasa Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) pa.

“Nasa isip lahat, fourth class,” naalala niyang sigaw sa kanila ng kanyang mga kaeskuwela nang sila ay pagod na sa pagsasanay. Aniya, “kaya iyon ang naging aking mantra: Lahat ng ito ay nasa isip lang.” 

“Kaya, ginamit ko ang aking mantra at pinalakas ang moral ng aking mga tauhan at sinabi sa kanila na ang COVID-19 ay isang yugto lamang ng aming buhay na tiyak na matatalo namin. Sinabi ko sa kanila na sa panahong ito, ang isip ang may kontrol sa katawan, at hindi kailangang mag-alala dahil parating na ang tulong. Higit sa lahat, magdasal.”

The 21 crew members of Athens Bridge, including Captain Quiñones in the middle wearing white overalls and a black cap.
Ang 21 tripulante ng Athens Bridge, kasama si Captain Quiñones na nasa gitna at nakasuot ng puting oberols at itim na sumbrero.

Nakatitig sa mukha ng kamatayan

Nang tanungin kung anong aral ang natutunan niya mula sa karanasan, sinabi ni Quinones: “Bagamat maaaring talunin ang COVID-19 kung may tamang pag-uugali at pagganyak, tiyaking may mga medikal na suplay sa barko at suporta mula sa  kumpanya. Walang kapitan na handang dumanas ng ganitong pagsubok. Ang aking karanasan ay isang realisasyon na ang buhay ay mahina. Pero naging matatag ako lalo, at mas naging handa sa pagharap sa bago kong assignment sa barko.”

Ayon kay Quiñones, kailangang mabakunahan muna ang mga seafarers bago sumampa sa barko, kasama na ang mga nakasakay na, para maprotektahan sila laban sa nakakahawang sakit at maiwasan ang malalang sintomas tulad ng nangyari sa kanyang dalawang opisyal.

“Dapat sikapin ng mga kumpanya sa maritime industry na magbigay ng bakuna. Gayundin, ang mga may-ari, ship managers, charterer, ahente, at port authorities ay dapat magtulungan upang ipatupad ang no-contact (face-to-face) clearance ng isang sasakyang pandagat sa daungan,” ani Quiñones.

Nagpasalamat si Quiñones sa kanyang mga tauhan sa suporta at kooperasyon na ibinigay nila sa hindi makakalimutang mga araw na iyon sa kanilang buhay sa dagat.

“Sigurado na ang samahang binuo natin onboard ay nakatulong sa atin na malampasan itong mapanganib na yugto ng ating buhay. Ngayon, magiging isang team tayo ng mas matatag, determinado at responsableng modernong mga marino na handang harapin ang anumang hamon.”

Share on facebook
Share on twitter
Share on linkedin
Share on whatsapp
Share on email
Liz Lagniton

Liz Lagniton

Liz Lagniton, our Philippine correspondent, is based in Manila. She is a former journalist for The Manila Times. She has an interest in writing feature stories to bring out the human interest to readers.

More Stories from Maritime Fairtrade

The best maritime news and insights delivered to you.

Here's what you can expect from us:

  • News & key insights covering the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on maritime corruption and more
  • Exclusive interviews