Umaasa sa tulong ng International Criminal Court (ICC) ang mga pamilya ng mga pinatay sa gera kontra droga
By Ina Alleco R. Silverio, Philippine correspondent, Maritime Fairtrade
Naiinip at medyo may inis na nilalaro ni Andrea Morales (*hindi tunay na pangalan) ang kanyang cellphone. Lampas alas-11 na ng gabi, pero malayo pa siya pagiging antok. Mainit at maalinsangan sa loob ng kanilang bahay sa Caloocan kung saan siya nakatira kasama ang kanyang mga magulang at anim na kapatid kaya naisip niyang umupo muna sa labas at magpahangin.
Nagbabasa siya ng isang artikulo tungkol sa isang laos nang artista nang dumating ang mga pulis. Sa isang iglip, bilglang naging bangungot ang kanyang tahimik na gabi.
“May halos isang dosena sila, lahat naka-asul, naka-uniporme. Armado silang lahat. Sinigawan ako ng dalawa at kinaladkad ako palayo sa bahay. Sumigaw ako, tumawag ng saklolo kina Mama at Papa, pero walang pakialam yung mga lalaki.”
Nagpumiglas si Andrea upang makabalik sa bahay, pero tinulak siya ng mga pulis sa isang puting van. Lumingon siya at nakita niya na mas maraming lalaki ang pumasok na sa kanilang bahay.Umiyak siya nang umiyak at sumigaw nang sumigaw. Bigla na lang umalingawngaw ang mga putok ng baril – tatlo, apat, lima – hindi siya sigurado kung gaano karami.
Nabigla siya at huminto sa pagsigaw. Ilang sandal pa at bumukas ang pintuan ng van at nandun ang kanyang nanay na si Elena – umiiyak din, sumisigaw – hinablot siya at niyakap nang mahigpit hanggang sa halos mawalan siya ng hininga.
“Pinatay nila ang tatay at Kuya Adrian mo!”, hagulgol ng kanyang ina.
Nabulabog na ang kanilang komunidad, at nagsilabasan ang kanilang mga kapitbahay. Lahat sila ay mukhang gulat at tumanghod kina Andrea, sa kanyang ina, at sa lahat ng kanyang mga kapatid na pinagtulakan ng mga pulis palabas ng kanilang bahay.
Wala pang 15 na minuto mula nang umupo si Andrea sa harap ng kanilang bahay para maglaro ng cellphone, pero parang taon na ang dumaan. Agosto 13, 2016 ang petsa noon, at hinding-hindi niya makakalimutan ang gabing iyon sa buong buhay niya.
Sa loob ng kanilang bahay, nakahandusay sa sahig ang mga duguan at wala nang buhay na katawan ng kanyang ama at pinakamatandang kapatid.
Nakagigimbal na bilang ng extrajudicial killings o pagpaslang
Sa ngayon, alam na ng buong mundi na ang Pilipinas ay isang malaking killing field dahil sa ipinatutupad na umano’y gera kontra iligal na droga ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Batay sa mga pagtatanya, lumampas na sa 25,000 ang mga napatay sa gera kontra drogang ito. Sa sobrang laki ng bilang na ito, nanawagan na ang Office of the Prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang usapin sa pananaw na ang mga pagpaslang ay maituturing na crimes against humanity o krimen laban sa sangkatauhan.
Binabalewala mismo ni Duterte ang ICC at sa kanyang mga lingguhang talumpati sa telebisyon, lagi niyang inuulit ang polisiya ng kanyang gobyerno kaugnay sa summary executions o pagpatay bilang bahagi hindi lang ng gera kontra droga, kundi na rin sa kampanya laban sa insurhensiya.
Petisyon sa International Criminal Court
Sa halip na panghinaan ng loob, ang mga kamag-anak at pamilya ng mga biktima ng mga extrajudicial killings (EJK) o pagpatay ay naging higit na determinadong maghanap ng katarungan. Noong unang linggo ng Agosto, ang mga pamilya ng mga biktima ng EJK ay nagsumite ng petisyon sa tanggapan ng ICC Prosecutor (OTP) upang hilingin sa ICC na magsagawa ito ng imbestigasyon.
Ang mga kamag-anak ng mga biktima, mga survivor ng tangkang pagpatay, at lahat ng mga indibidwal na apektado ng drug ni Duterte ay nananawagan ngayon sa ICC na magsagawa ito ng malawakang imbestigasyon sa drug war at ang mga epketo nito sa mga Pilipino. Hiling nilang gawin ito ng ICC bilang unang hakbang sa paghahabla kay Duterte sa korte.
Kung pagbigyan ang kahilingang ito, sisimulan na ng mga ICC prosecutors na imbestigahan ang ilibo-libong kaso ng pagpaslang na may kinalaman sa kontra-droga. Mag-iipon na sila ng ebidensiya at pag-aaralan ang responsibilidad ng iba’t-ibang indibidwal at opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa mga pagpaslang at iba pang paglabag sa karapatang pantao ng mga Pilipino sa panahong nakaupo si Duterte bilang pangulo ng PIlipinas at noong siya ay alkalde ng Davao City.
Inanunsyo na ng isang organisasyong sumusuporta sa mga biktima at mga pamilya, Rise for Life and for Rights, at ng National Union of People’s Lawyers na nagsumite na sila ng mga nilagdaang sulatin ng maraming biktima sa buong bansa. Kasama sa mga isinumite ay ang mga affidavit ng pitong kababaihan na noong Agosto 2018 pa lang ay nagsampa na ng reklamo laban kay Duterte para sa mga umano’y crimes against humanity.
Ang pighati ng mawalan ng asawa at anak
Sa ngayon, tinututukan nina Andrea – 21-taong gulang na ngayon – at ni Elena, 32, ang mga balita tungkol sa ICC at anumang ulat na kaugnay sa gera kontra-droga.
Sa isang panayam kasama ang Maritme Fairtrade, sinabi ni Elena na ang kanyang asawang pinaslang ay dating construction worker. Inamin niya na gumamit dati ng droga – shabu o or methamphetamine hydrochloride — ang kanyang asawa, pero matagak na panahon nay un bago siya pinatay. Huminto siya sa paggamit nang malaman ito ng foreman ng construction site na pinagtatrabahuhan niya at sinipa siya sa trabaho.
“Nagising talaga siya noon,” ani Elena. “Sinabihan siya na wala nang ibang kukuha sa kanya sa trabaho o magrerekomenda sa kanya kung patuloy siyang magsha-shabu. Binantaan ko din siya na iiwan ko siya at kukunun ko ang lahat ng mga anak naming kung hindi siya hihinto. Huminto siya sa paggamit. Trenta’y nuebe (39) lang siya nang pinatay siya ng mga pulis.”
Sinabi din ni Elena na pakiramdam nita at ng kanyang buong pamilya na trinaydor sila ng barangay nila, at ito rin ang dahilan kung bakit lumipat sila ng bahay dalawang lingo matapos ang insidente.
“Isa ang asawa ko sa mga naunang sumali sa anti-drug program sa barangay namin nung nagtawag sila ng mga boluntir. Sabi ng mga opisyales ng barangay na magandang mauna nang mag-boluntir ang mga dating gumagamit ng droga. Agad naming sumali si Efren – isa siya sa mga naunang sumama sa therapy at counseling session na isinagawa ng barangay kasa ang mga pulis,” paliwanag niya.
“Binigay ng barangay ang listahan ng dating gumamit ng droga sa mga pulis, tapos inisa-isa ng mga pulis yung mga tao sa listahan!”
Tungkol naman sa kanilang panganay na si Adrian na pinatay din, lumabas na collateral damage lang siya o nadamay lang. Labing-siyam na taong gulang lang siya nang pinatay, isang estudyante na nagtratrabaho part-time bilang isang assistant sa catering.
“Natutulog na kami ni Efren noon dahil pareho kaming pagod sa pagtatrabaho buong araw. Nasa sala naman ang mga anak namin at nanood ng telebisyon. Mabilis ang mga pangyayari – bigla na lang pumasok sa kwarto namin yung mga pulis, hinatak ako mula sa kama at tinulak ako palabas ng pinto. Naririnig ko nun na nagmamaka-awa ang asawa ko. Sinigawan siya ng mga pulis na lumuhod. Nagpilit naman si Adrian na pumasok sa kawarto para tulungan ang papa niya. Pinilit kong pigilan si Adrian pero ayaw niyang sumunod – ayaw niyang iwan ang papa niya. Pareho silang binarily ng mga pulis. Nakikita ko pa rin sa isip ko ang lahat ng nangyari. Masakit pa rin. Parang kahapon lang nangyari ang lahat,” sabi ni Elena na naluluha.
Ang tinutukoy na programa ng barangay ay ang Tokhan. Minmobilisa ng pambansang gobyerno ang mga barangay na ibigay sa mga pulis ang mga rekord at datos tungkol sa bilang mga gumagamit ng iligal na droga sa kani-kanilang kinasasakupan at ang kilos ng mga nagbebenta ng droga. Inutusan ang mga barangay na ibigay ang mga listahan ng mga gumagamit/gumamit ng droga at mga nagtutulak nito para umano i-enrol sa drug rehabilitation program.
Shabu, cannabis, at contact cement o rugby ang karaniwang mga ginamit ng mga taong ipinapasok sa rehabilitation program. Batay na rin mismo sa pagtatantya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), mayorya sa mga nagrehistro sa Tokhang ay mga ordinaryong tao na minsang gumamit, at mga small-time na pusher.
Sinabi ni Elena na ilang araw matapos ang pagpatay sa kanyang mag-ama, nabalitaan niya sa isang kapitbahay na talagang nalungkot ang mga opisyales ng barangay sa nangyari at hindi nila inakala na ganoon ang mangyayari at papatay ang mga pulis.
“Kinumpirma nil ana nasa listahan si Efren, pero ginamit ng mga pulis yung listahan para hanapin at patayin yung mga taong nandun. Nag-boluntir ang mga taong sumali sa programang Tokhang dahil payag sila sa rehabilitasyon, pero sila ang tinarget at pinatay. Oo, gumamit ang asawa ko ng iligal na droga, pero huminto siya sa sarili niyang pagdidisyon. Wala siyang ibang taong sinaktan bukod sa sarili niya. Hindi siya dapat pinatay nang ganun – na parang baboy na walang kalaban-laban. Mas lalo naman ang anak naming si Adrian,” giit ni Elena.
Panagutin ang mga nasa likod ng gera kontra-droga
Karaniwan sa mga pinatay sag era kontra droga ng gobyerno ay mga breadwinner o ang mga pangunahing inaasahan ng mga pamilya para sa kanilang kabuhayan.
Batay sa isang ulat noong 2019 ng Dangerous Drugs Board (DDB) na bumubuo ng mga polisiya tungkol sa iligal na droga sa Pilipinas, may 1.8 na milyong Pilipino an gumagamit ng iligal na droga. Samantala, 4.8 na milyon naman ang umaming gumamit sila ng bawal na gamot ng minimum na isang beses sa kanilang buong buhay. Sa kabuang bilang ng mga gumagamit, 91% sa kanila ay mga matatanda o adult, 87% ay kalalakihan, at 80% sa kanila ay umabot ng high school.
Ngunit sa implementasyon ng Tokhang at ng kabuuang gera kontra-droga, lumalabas na walang pinipili ang mga pumapatay – nagiging biktima ang babae, lalaki, at maging mga bata. May mga inaresto na o pinatay dahil suspek sila o pinaghihinalaan pa lang na gumagamit o nagtitinda ng bawal na gamot. Karaniwang target ang kalalakihang nakatira sa mga komunidad ng maralitang lungsod sa Metro Manila at iba pang mga lungsod. Sa opinyon ng ilang mga advocate ng karapatang pantao, ginagawa ng mga pulis ang pagpaslang upang makakuha ng reward at sila ay mga tinatawag na quota sa bilang mga papataying drug dealer.
Ayon sa Rise Up for Life and for Rights network, mayorya ng mga Pilipinong biniktima ng EJK ng gobyerno ay mga kalalakihan – matanda at kabataan: mga puno ng pamilya at nga pangunahing inaasahan o tumutulong sa pagtataguyod ng kabuhayan ng kanilang mga pamilya.
Maraming pamilya gaya ng pamilya ni Elena ay nawalan ng mga ama at anak na lalaki dahil sa Tokhang. Anila, bukod sa matinding sakit at kalungkutang dala ng pagkawala ng kanilang mga mahal sa buhay, kailangan din nilang pasahin ang mabigat na problema ng paghahanap ng pera upang maitawid ang mga pang-araw-araw na pangangailangan.
Nagsusumikap ngayon si Elena na itaguyod ang kanyang mga anak. Sumama siya sa isang support group kasama ang mga pamilya din ng mga ibang biktima ng EJK, at kasama ang isang naging kabigan, nagtayo siya ng isang maliit na negosyo ng paggawa at pagtitinda ng turmeric tea powder.
Malaking tulong din sa kanya ang ibinibigay ng Social Action Center (SAC) ng San Roque CathedraL sa Caloocan na katuwang ng Caritas Caloocan. Tinutulungan ng simbahan ang mga katulad ni Elena na igpawan ang trauma ng kanilang mga dinanas, at nagbibigay ito ng tulong pinansyal.
“Mas mahirap ngayon na pagkasyahin ang perang kinikita ko. Noong buhay pa si Adrian, nagbibigay siya ng pera galing sa kanyang kinikita sa catering. Malaking tulong iyo at ginamit namin panustos sa pag-aaral ng kanyang mga batang kapatid at iba pang pangangailangan. Nang pinatay siya at ang tatay niya, malaking problema din ang dinanas naming sa pinansya. Mas kaunti ang pera naming pambili ng pagkain, pambayad sa upa sa bahay, pambayad sa kuryente at tubig,” ani Elena.
Pag-asa pagkatapos ng trahedya
Pagkatapos ng lahat ng dusa at paghihirap na dinanas ng kanyang pamilya (sila ang nagbayad ng libing ng kanyang asawa at anak), sinabi ni Elena na gusto niyang makitang managot ang mga pumatay. Dahil dito, sinusuportahan niya ang panawagan sa ICC na imbestigahan ang mga EJK ng gobyernong Duterte.
Ganito din ang sentimyento ng isa pang nanay, si Llore Pasco, na nagsabing hindi siya susuko hangga’t hindi niya nagagawa ang lahat upang makahanap ng hustisya para sa kanyang mga mahal sa buhay. Napatay ang kanyang dalawang anak na lalaki sa isang drug operation ng mga pulis sa Quezon City.
“Pinatay nang walang kalaban-laban ang mga kamag-anak namin. Walang respeto sa karapatang pantao ang mga pumatay sa kanila, wala man lang imbestigasyon sa mga hinala laban sa kanila. Dapat talagang sampahan ng kaso si Duterte at ang kanyang mga heneral sa ICC,” aniya.
“Umaasa kami na sana, sa tulong ng ICC, makapag-ipon kami ng marami pang mga ebidensiya at testimonya na talagang maglalantad sa napakaraming krimeng ginawa at ginagawa sa ngalan ng drug war ni Duterte. Dapat mabigyan ng katarungan ang aming mga asawa at anak. Kailangang mapahinto na ang mga pagpaslang na ito ng gobyerno at maparusahan ang mga salarin.”
*Pinalitan ang mga pangalan ng miyembro ng pamilyang Morales batay sa kanilang kahilingan.