Chinese, 2 Pinoy na umano’y mga espiya sa bansa, arestado ng NBI

Arestado ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese at dalawang Pilipinong kasabwat nito sa Makati City noong Enero 17 dahil sa umano’y pangangalap ng sensitibong datos ukol sa mga military installation at critical infrastructure sa bansa, na nagdulot ng seryosong banta sa pambansang seguridad.

Kinilala ang mga suspek na sina Deng Yuanqing, 39 taong gulang na hinihinalang espiya mula sa China, at ang kanyang mga kasabwat na sina Ronel Jojo Balundo Besa at Jayson Amado Fernandez.

Ayon sa NBI, nagsasagawa ang tatlo ng spying activities na naglalayong tuklasin ang mga military site at power installation sa bansa.

Iniharap sa media ang mga naaresto noong Enero 20 at inakusahan ng paglabag sa Espionage Act dahil umano sa ginagawa nilang intelligence gathering, surveillance, at reconnaissance activities na “nakakasama sa ating pambansang depensa,” ayon kay Jeremy Lotoc, hepe ng cybercrime division ng NBI.

Sinabi ni Lotoc na inaresto ang mga suspek matapos hindi makapagpakita ng permit o lisensya upang magsagawa ng survey.

Nakumpiska sa mga suspek ang GNSS RPK Global Navigation Satellite System, isang kagamitang kayang lumikha ng 3D images ng mga target na istruktura.

Ayon kay Lotoc, “Ginamit ang mga kagamitang ito upang ma-survey ang mga critical infrastructure gaya ng mga kampo ng militar, tanggapan ng mga lokal na pamahalaan, power plants, kampo ng pulisya, at maging ang mga shopping mall.”

“Sa ngayon, napatunayan namin na sila’y sangkot sa ISR operations o intelligence, surveillance, at reconnaissance operations na nakapipinsala sa ating national defense dahil karamihan sa mga target nila ay mga critical infrastructure na konektado sa pambansang seguridad,” pahayag ni Lotoc sa isang press conference noong Enero 20.

Ayon sa mga awtoridad, inamin nina Besa at Fernandez na sila ang nagsilbing driver at katulong ni Deng. Anila, inihatid nila si Deng sa mga pangunahing lugar tulad ng mga military at police camp, mga tanggapan ng pamahalaan, at mga imprastruktura kabilang ang Malampaya gas field at isang substation ng National Grid Corporation sa Batangas.

Pagmamapa ng mga kritikal na lugar

Ayon kay Lotoc, nakumpiska ng mga ahente ng NBI ang mga mapa na nagpapakitang natapos na ni Deng at ng kanyang grupo ang detalyadong survey sa Luzon. Aniya, plano sana ng grupo na ipagpatuloy ang ‘pagmamatyag’ (surveillance) sa Visayas at Mindanao bago sila maaresto.

“Nangangalap sila ng datos at mayroon silang remote application na sa real-time ay ipinapadala sa labas ng bansa. May isang user na nasa labas ng bansa na kumokolekta ng datos mula sa hinihinalang Chinese spy,” ani Lotoc.

Kinumpirma ni General Romeo Brawner Jr., Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), na ilan sa mga na-survey ng mga suspek na lugar ay mga site sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.

“Nakita namin na ang ilan sa mga lugar ay mga EDCA site,” sabi ni Brawner, na ang tinutukoy ay ang siyam na lokasyon na napili para sa bilateral defense pact.

Binigyang-diin ni Brawner ang kahalagahan ng intelligence gathering mula sa mismong lugar, dahil aniya, “May mga detalye na hindi kayang makita ng mga satellite ngunit makikita sa lupa. Napakahalaga ang mga impormasyong ito na kapag ginamit ng militar ng ibang bansa, magiging mapanganib para sa atin.”

Si Deng bilang ‘sleeper agent’

Sa ginawang imbestigasyon ng NBI, natuklasan nilang nagtapos si Deng sa People’s Liberation Army University of Science and Technology sa Nanjing, China. Siya ay isang dalubhasa sa control at automation engineering na mahalaga sa pagdidisenyo ng mga advanced na surveillance system. Inilarawan siya bilang isang “sleeper agent” na mahigit limang taon nang naninirahan sa Pilipinas.

Ilan sa mga nakumpiskang kagamitan ni Deng ay kayang magbigay ng eksaktong geolocation data. Ayon kay Lotoc, kayang magpadala ang mga ito ng impormasyon sa China sa real-time gamit ang advanced satellite technology.

Panawagan para sa pagbabago ng batas

Dahil sa nangyaring pag-aresto, nanawagan si National Security Adviser Eduardo Año sa Kongreso na baguhin ang Espionage Act at ipasa ang Countering Foreign Interference and Malign Influence Bill.

“Hinihimok namin ang Kongreso na bigyang-priyoridad ang pagpasa ng mga amyenda sa Espionage Act at ang Countering Foreign Interference and Malign Influence Bill. Mahalaga ang pagpapalakas ng ating legal framework upang maharap ang mga umuusbong na banta sa seguridad at matiyak na ang mga nagnanais na ilagay sa panganib ang ating pambansang seguridad ay haharapin ang buong bigat ng batas,” paliwanag ni Año.

Dagdag niya, palaging nakatuon ang pamahalaan sa paglaban sa ‘paniniktik’ (espionage) at mga banta sa pambansang seguridad sa pamamagitan ng pagbabantay, koordinasyon ng mga ahensya, at maagap na mga hakbang upang protektahan ang mga critical infrastructure at defense facilities.

Samantala, tiniyak ng AFP sa publiko na patuloy nilang pinalalakas ang kanilang pagsisikap na maiwasan ang paniniktik at mga katulad na banta.

Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na tuloy-tuloy ang kanilang operasyon upang matukoy at mapigilan ang mga ganitong aktibidad. “Ginagawa namin ang lahat ng hakbang upang matukoy ang presensya ng mga puwersang ito at pigilan ang anumang posibleng gawin nila sa hinaharap,” aniya.

Pagkilala sa iba pang kasabwat

Nangako naman ang Bureau of Immigration (BI) na tutukuyin nito ang mga kasabwat ni Deng.

Ito ay matapos makumpirma na siya ay pabalik-balik sa Pilipinas mula pa noong 2015 at may asawang Pilipina. 

“Titiyakin namin na matutukoy ang sinumang dayuhang kasabwat niya sa bansa,” ani BI Commissioner Joel Viado.

Ayon kay Viado, naisumite na nila sa Department of Justice at NBI ang detalye ni Deng para makatulong sa imbestigasyon.

Aniya, sinimulan na rin ang deportation proceedings at sasampahan ng kaso ang suspek, ngunit pagtitiyak ng opisyal sa publiko na ipagpapaliban ng ahensya ang deportasyon hanggang sa ganap na matugunan ang lokal na pananagutan at mga parusa.

Photo credit: Department of Justice and National Bureau of Investigation. 

The best maritime news and insights delivered to you.

subscribe maritime fairtrade

Here's what you can expect from us:

  • Event offers and discounts
  • News & key insights of the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on corruption and more