Ni Liz Lagniton, Salin ni Ina Silverio
“Bakla ako, pero walang kinalaman ang kasarian ko sa husay ko sa trabaho. Naniniwala ako na kung kaya ng iba, bakit hindi ko kakayanin?”
Ito ang laging sinasabi ni First Engineer Aljon B. Asusano, 29, tuwing kinukwestyon ng kanyang mga katrabaho sa industriya ang kanyang mga kakayanang gampanan ang kanyang mga tungkulin sa barko dahil sa kanyang kasarian. Hanggang sa kasalukyan, kalalakihan ang pinakamarami sa maritime industriya.
Walong taon nang seaman si Aljon na gustong tinatawag na “Dyosa Makinista” o Goddess Machinist, patunay na may puwang sa maritime industry ang mga miyembro ng LGBT+ community.
Sinabi ni Dyosa sa Maritime Fairtrade na “Bahagi ang mga LGBTQIA rin ng lipunan at gusto naming mabigyan kami ng pantay na pagkakataon. May galing at talino kami kaya may karapatan rin kaming maging marino.”
Ang ibig sabihin ng “LGBT+” ay “lesbian, gay, bisexual, transgender and others”, ngunit upang lubusang maisama ang lahat ng taong hindi tinitignan ang sarili bilang babae o lalaki, idinagdag na rin ang “QIA” o “queer, intersex and asexual” sa acronym.
Sa mga nakaraang taon, nagsusumikap na ang maritime industry na maging bukas sa mga kababaihan. Dumarami, tumataas at lumalawak na ang mga tungkuling pinagagampan sa mga babae sa barko, subalit hindi pa nabibigyan ng kaukulang pansin ang mga marinerong LGBTQ+.
Lumaki nang may Pagtanggap ng Lipunan
Ipinanganak si Dyosa sa lalawigan ng Nueva Vizcaya. Bunso siya sa limang magkakapatid na lalaki at mag-isa silang itinaguyod ng kanilang ina. Nanag makahanap ng mas maayos na trabaho ang nanay nila, lumipat sila Famy, Laguna.
Naaalala ni Dyosa na naging masaya ang kanyang pagkabata. Tanggap sa komunidad nila ang mga LGBT+ kaya’t hindi niya kinailangang itago ang kanyang kasarian at naging malaya siyang magpahayag ang mga nadarama at nasa isip niya habang lumalaki.
“Simple lang pero maayos at masaya ang bayang kinalakihan ko. Sa paglalaro namin, puwedeng magkunwari bilang mga sundalo ang mga babae at pwedeng mga prinsesa naman ang mga lalaki kung gusto nila,” sabi ni Dyosa.
Gayunpaman, nakita ni Diyosa ang hirap ng kanyang nanay. Mahaba ang mga araw at maikli ang mga gabi ng kanyang ina dahil masigasig siya sa kanyang paghahanap-buhay.
Mula pagkabata, nauunawaan na ni Dyosa na kailangan niyang magsikap upang masuklian ang pagmamahal at hirap na tiniis ng ina. Mula elementarya hanggang high school, ipinagmamalaki siya ng nanay niya dahil sa mga medalya at karangalang kanyang natanggap sa eskwela.
Sa tulong ng kuya niyang si Ronald, nakapag-aral si Dyosa ng Marine Engineering sa Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP) sa Mariveles, Bulacan. Lagi siyang nasa Dean’s List sa kolehiyo at nagtapos ng may karangalan.
“Pangarap ko mula pagkabata ang makalibot ng mundo at kumita ng malaki. Isa ang pagiging marino sa mga propesyong nakita ko na tutulong sa aking maabot ang mga pangarap na ito,” aniya.
Kahit malaki na ang pinagbago ng tingin ng lipunang Pilipino sa LGBTQ+ at hindi na matindi ang homophobia gaya noong 1970s at 80s, madalas pa rin itong maranasan ng mga miyembro ng sektor ng LGBTIQ+ laganap pa rin ang epekto nito sa Pilipinas.
Nasa unang taon sa maritime school si Dyosa nang marinig niya mula sa isa sa mga naging propesor niya na “wala baklang nagtatapos sa paaralan nila.”
“Tingin ko noon na ang pagtatapos sa MAAP ang tangi kong pag-asa para makaahon sa kahirapan. Sa sobra kong takot na hindi grumadweyt , itinago ko ang pagiging bakla ko.”
Nawala ang kanyang mga pangamba nang sinabi ng Pangulo ng kolehiyo na walang kautusan laban sa mga bakla at hindi pinapayagan ng eskwelahan ang diskriminasyon laban sa mga mga miyembro ng komunidad ng LGBTQ+.
“Nakita at naramdaman ko na malawak ang pag-iisip ng mga kaklase ko at tanggap nila ako. Ito ang nagbigay sa akin ng tapang na ipakita ang tunay kong sekswalidad.”
“Binago ng MAAP ang buhay ko mula noon. Higit pa sa inaasahan ko ang kinalabasan ng pinili kong propesyon. Matapos ng maraming taong paghihirap, gamay na gamay ko na ang trabaho ko bilang first engineer at matagumpay kong nagagampanan ang lahat ng tungkulin ko,’ dagdag pa ni Dyosa.
Bullying at Diskriminasyon sa Barko
Noong unang sumampa ng barko si Dyosa bilang engine cadet noong 2014, nakaranas siya sexual discrimination. Ang nakalulungkot ay mula ito sa mga kapwa niya Pilipino at hindi mula sa mga dyuhang katrabaho sa barko.
“Siyam na buwan akong pinahirapan ng isang deck officer at isang engineer. Mali-mali ang itinuturo nila sa akin tungkol sa mga makina,” kwento ni Dyosa.
Madalas din siyang makakita ng sexist na graffiti sa mga pader ng engine room. Naalala pa nya na minsan ay may nagsulat doon ng “demonyong bakla”.
“Tinatapunan nila ako ng tubig sa mukha at hinahamon nila ako uminom hanggang malasing. Minsan hindi rin nila ako hinahayaang matapos munang kumain. Minumura nila ako at ang pamilya ko at pinagbantaang itatapon mula sa barko,’ kwento ni Dyosa.
Walang lumilipas na araw na hindi nakaranas ng pambabastos at pambu-bully si Dyosa mula sa dalawang Pilipinong opisyal ng barko. Paulit ulit nilang ipinamumukha kay Dyosa na hindi siya nararapat sa Engine Room at dapat nang umalis sa trabaho niya. Halos sumuko na siya sa hirap.
Nagawa ni Dyosa na maging matibay dahil tuwing gusto niya nang sumuko, iniisip niya ang mga paalaala ng kanyang nanay at ang mga dahilan kung bakit nagsusumikap siya sa pagiging seafarer: ang magkaroon ng magandang buhay.
“Pinalakas ako ng mga payo ni nanay. Nagawa kong tiisin at pangibabawa ang hirap at mga pasakit, at talagang nagsikap ako na umangat. Ginusto nila na mawalan ako ng pag-asa at isuko ang mga pangarap ko, pero hindi ako pumayag”, sabi pa ng batang inhinyero.
Ginamit ni Dyosa bilang aral at inspirasyon ang mga masakit at mapait na karanasan niya noon upang maging mas maalam sa trabaho at higit na maging masigasig. Pinatunayan niya na hindi sagabal ang kasarian niya sa pagiging magaling na seafarer.
Reyna ng Pitong Karagatan
Mula pa noong una siyang sumampa sa barko bilang inhinyero noong 2014, tinatawag na siyang “Dyosa Makinista” ng kanyang mga crewmate.
“Sinabi sa akin ng kapitan ko na buong karera niya bilang seafarer, noon lang siya nagkaroon ng bakla na crewmate. Dahil daw ako lang ang kaisa-isang dyosa sa engine department, tawagin na lang daw akong “Dyosa Makinista”.
Noong 2019, lumabas ang kwento ni Dyosa sa isang kilalang news portal sa Pilipinas. Ang lumabas na headline ng istorya ay “How seafarer Dyosa Makinista proved she’s the queen of the seas.”
Gayupaman, hard hat ang nakapatong sa ulo ng reynang ito at hindi korona. May hawak siyang wrench o liyabe sa halip na sa halip na setro o scepter. May mga bahid ng langis ang kanyang mukha at katawan sa halip na pulbo at pabango at lagi siyang on-call dahil sa kanyang mga kritikal at mahalagang tungkulin.
Bilang first engineer, siya ang ika-apat na top officer sa barko, kasunod ng kapitan, ng chief mate o first mate, and mg kanyang kagyat na superyor, ang chief engineer.
“Ako ang responsible sa pagtitiyak na maayos ang takbo at kalagayan ng main engine ng barko at ng iba pang mahalagang makinarya para makapihit ang barko sa karagatan,” pagbabahagi ni Dyosa.
Tinutulungan din niya ang chief engineer na pamunuan ang engine crew, pagpapalan sa arawang job order, pagtatakda ng schedule ng maintenance ng mga makina, at paghahanap ng solusyon kung magkaroon ng aberya.
“Sa maiksing salita, isa akong mahalagng miyembro ng engine department ng barko,” ani Dyosa.
“Maayos ang trato sa akin ng mga katrabaho nila – turing nila sa akin ay parang mamahaling dyamante. Umaapaw ang kanilang respeto at malinaw ang kanilang pagtanggap sa akin. Malaki ang utang na lob ko sa kanila dahil pinadarama nila sa akin na espesyal ako,” dagdag pa niya.
Nakakaranas pa rin si Dyosa ng pana-panahong diskriminasyon kaugnay sa kanyang kasarian, pero “swerte na lang at kaming mga miyembro ng LGBTQIA ay pinanganak nang handa. Tinuturing naming na hamon ang mga ganitong diskriminasyon para mas lalo kaming magsikap, magpalakas ng loob, at maging mas matibay kumpara sa inaakala ng mga lumilibak sa amin.”
Pagdiriwang ng Pride month
Noong Hunyo na dineklarang Pride Month sa buong mundo, pinahayag ni Dyosa ang kanyang pag-asa na magkaroon ng pagkakapantay-pantay sa maritime industriya.
Hinikayat niya ang kanyang mga kapwa LGBTQIA na magkroon ng tiwala sa sarili at mga sariling kakayanan upang maabot nila ang kanilang mga pangarap. Hindi umano sila dapat sumuko sa harap ng mga hamong dinaranas nila kahit ano pa ang kanilang kasarian.
“Kung isa kang lesbian, gay, bisexual, or transgender na nagtatrabaho sa maritime industry, napakadali na balewalain ng iba ang iyong mga kakayanan dahil sa maling akala nilang wala kang lugar doon. Tandaan na walang kinalaman ang kasarian sa kakayanan sa trabaho. Kayang mamuno ng barko ang mga kababaihan at ng mga LGBTQIA+ na indibidwal,” giit niya.
“Pagtatawanan ka nila dahil iba ka sa kanila, at pupukulin ka ng masasakit na salita dahil sa iyong sekswalidad, pero huwag mo itong dibdibin: ipagmalaki mo kung sino ka at hayaan mo sila sa mga maling pananaw nila.”
“Hindi ito usapin ng piniling kasarian. Usapin ito ng pagiging mahusay, patuloy na pagsisikap na umunlad sa trabaho, at pagpapakita sa lahat na kaya nating mamuno sa mga barko at maging mga pinuno ng industriya saklaw ang pitong karagatan,” pagtatapos niya.
Sa harap ng maraming hamong dala ng buhay sa karagatan man o sa lupa, pinaninindigan ni Dyosa ang mga paboritong kasabihan: “Kung tila ang lahat ay kalaban ng agos, hanapin mo ang iyong lakas at maglayag patungo sa kagiliran ng iyong mga pangarap.”