Magna Carta para sa mga Pilipinong marino, ganap nang batas

Nilagdaan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang matagal nang hinihintay na Magna Carta ng mga Pilipinong marino noong Setyembre 23, na naglalayong proteksyonan ang mga karapatan at kapakanan ng halos kalahating milyong Pilipinong marino na nagpapanatili sa industriya ng pandaigdigang pagpapadala.

Matapos ang mahigit isang dekada ng paghihintay, pinirmahan ni Marcos Jr. ang Senate Bill No. 2221 at House Bill No. 7325, na kilala bilang Magna Carta ng mga Pilipinong marino. Titiyakin ng bagong batas na walang Pilipinong marino ang mapag-iiwanan sa oras ng legal o medikal na isyu habang ginagampanan ang kanilang mga responsibilidad.

“(Ang Magna Carta ay) hindi lamang isang pagkilala sa kanilang mga sakripisyo kundi isang panawagan na magtulungan upang malikha ang kinabukasan na maipagmamalaki nila — isang kinabukasan kung saan naririnig ang kanilang mga tinig, kinikilala ang kanilang mga karapatan, at nararamdaman ng kanilang pamilya ang suporta ng isang bansang nauunawaan ang bigat ng kanilang tungkulin,” pahayag ni Marcos Jr. sa seremonya ng pagpirma.

Binigyang-diin ng pangulo na ang Magna Carta ay isang pormal na pagkilala sa mga sakripisyo at kontribusyon ng mga marino sa bansa. “Ito ang ating paraan ng pagsasabi sa ating mga marino na nakikita namin kayo, naririnig namin kayo, at narito kami upang suportahan kayo,” dagdag pa niya.

“Kapag pinag-uusapan natin ang proteksyon, pinag-uusapan natin ang pagbibigay-kalinga sa ating mga marino hindi lamang mula sa panganib ng dagat, kundi mula sa pang-aabuso at diskriminasyon na matagal nang kinukunsinti,” paliwanag ni Marcos Jr. 

Aniya, pinapalakas ng bagong batas ang legal framework upang matiyak na ang mga Pilipinong marino ay nakakatanggap ng sapat na pagsasanay, tiyak na mga kontrata, makatarungang sahod, at tamang benepisyo.

Tinatayang 25 porsyento ng mga opisyal at tripulante sa international maritime industry ay mga Pilipinong marino, isang mahalagang ambag sa operasyon ng global shipping.

Mga karapatan at proteksyon ng mga marino sa ilalim ng batas

Sa ilalim ng Magna Carta, nilinaw dito ang mga karapatan ng mga marino, kabilang ang makatarungang terms and conditions ng trabaho, right to self-organization at collective bargaining, abot-kayang pag-access sa edukasyon, karapatan sa impormasyon, at proteksyon ng pamilya o susunod na kamag-anak ng isang marino.

Sinisigurado din ng batas ang karapatan ng mga marino sa ligtas na paglalayag, legal na representasyon, medikal na atensyon, access sa komunikasyon, at patas na pagtrato sakaling magkaroon ng aksidenteng maritima.

Nakapaloob din sa Magna Carta ang dagdag na proteksyon sa mga babaeng marino na poprotekta sa kanila laban sa diskriminasyong batay sa kasarian at titiyakin na makatatanggap sila ng pantay na sahod katulad ng kanilang mga lalaking katrabaho.

Pagsunod sa international maritime standards

Binigyang-diin ni Marcos Jr. ang pagsunod ng Magna Carta sa International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) para sa mga Pilipinong marino. 

“Sa pamamagitan ng paglikha ng mas matatag na proseso ng sertipikasyon, titiyakin natin na ang ating mga marino ay hindi lamang sumusunod sa mga pamantayan, kundi natatangi at handang tugunan ang pangangailangan ng nagbabagong industriya ng maritime,” ayon sa pangulo.

Ipapatupad ng batas ang malinaw na mga protocol para sa mga hinaing at hindi pagkakaunawaan upang matugunan ang mga alalahanin ng mga Pilipinong marino na nagtatrabaho sa ibang bansa.

Ayon sa Malacañang, makakatulong ang batas na mapabuti ang pagsunod sa mga pamantayan ng STCW, kabilang ang monitoring, supervising, at pag-evaluate ng mga programang pang-edukasyon, gayundin ang proseso ng sertipikasyon at endorsement para sa mga marino.

Titiyakin din ng batas ang pagkakaroon ng mga pasilidad para sa pagsasanay, onboard training, at mga simulator, at pahuhusayin ang mga proseso para sa pag-iisyu at pag-revalidate ng mga sertipikasyon ng mga marino.

Papel ng MARINA

Ilang sandali bago ang paglagda sa Malacañang, tinalakay ni Luisito Delos Santos, direktor ng planning and policy service ng Maritime Industry Authority (MARINA), ang kahalagahan ng panukalang batas.

Tinawag ni Delos Santos ang Magna Carta na isang “significant milestones” dahil nakapaloob dito ang mga pangunahing karapatan at kapakanan ng mga marino.

“Napakahalaga nito dahil itinatakda na ng Magna Carta ang mga pangunahing kapakanan at karapatan ng ating mga marino,” pahayag ni Delos Santos sa event na “Kapihan Para sa Marinong Filipino” sa Luneta Park, Maynila, na dinaluhan ng Maritime Fairtrade.

Binanggit ni Delos Santos ang mga pangunahing karapatan na kasama sa Magna Carta, gaya ng karapatan sa repatriation at proteksyon laban sa pag-abandona. Inihalimbawa niya ang mga nakaraang insidente kung saan inabandona ng mga may-ari ng barko ang mga marino sa kanilang mga barko kapag nagkaproblema, na naglalagay sa kanila sa delikadong sitwasyon.

“Ang mga pangunahing karapatan ng ating mga marino ay protektado. Halimbawa, ang karapatan sa repatriation; siyempre, protektado rin ang ating mga marino laban sa pag-abandona dahil nagkaroon na ng mga pagkakataon noon na ang mga may-ari ng barko, kapag nagkaproblema tulad ng embargo, iniiwan na lamang ang mga marino doon sa barko,” paliwanag ni Delos Santos.

Sa ilalim ng bagong batas, ang MARINA ang responsable sa pangangasiwa ng maritime education, pag-akredita at pag-regulate ng mga institusyong nag-aalok ng mga programang pang-maritime, at pagtitiyak na nakaayon ang mga ito sa mga pandaigdigang pamantayan tulad ng STCW.

Inatasan din ang MARINA na bumuo ng espesyal na programa para sa mga marino na nasa lokal na kalakalan.

Pinuri ni Delos Santos ang panukalang batas bilang isang “major step forward”, at binanggit ang pagkakatugma nito sa 2006 Maritime Labor Convention. “Matagal na itong ipinagpaliban, at dapat lamang nating batiin ang lahat dahil sa wakas, pagkatapos ng maraming taon, nagkaroon tayo nito.” Aminado rin siyang may mga hamon na darating sa pagpapatupad ng bagong batas, na inilarawan niyang “birth pains.”

Ayon sa opisyal ng MARINA, may pangangailangan para sa karagdagang tauhan at pondo upang matupad ang mga bagong tungkulin ng MARINA.

“Marami nang mga tungkulin ang nasa ilalim ng MARINA, at idinagdag pa ito. Gayunpaman, tiniyak sa amin ng Kongreso ang kanilang suporta, lalo na sa tulong ni Kalihim (Jaime) Bautista ng Department of Transportation at Congressman (Ron) Salo. Hindi natin maaaring biguin ang Pilipinas at ang ating mga marino,” diin ni Delos Santos.

Suporta mula sa mga mambabatas

Para kay Senate President Francis Escudero, mahalaga ang pagpapatupad ng Magna Carta, upang matiyak ang mga karapatan at kaligtasan ng mga Pilipinong marino.

“Tulad ng isang karaniwang empleyado sa isang kompanya, tama lamang na ang mga karapatan ng isang marino ay malinaw at mahigpit na ipinatutupad, maging kapitan man o isang tauhan sa deck,” ang sabi ni Escudero. 

Aniya, nagbibigay ang batas ng mga pangunahing proteksyon para sa mga marino, na tumutugon sa mga panganib na kanilang kinakaharap sa dagat. Binigyang-diin niya na ang hakbang na ito ay kinakailangan upang mapangalagaan ang kanilang kalagayan.

Samantala, labis ding ikinagalak ni KABAYAN Partylist Rep. Ron Salo, isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng panukalang batas, ang matagumpay na pagpasa ng Magna Carta para sa mga Pilipinong marino.

“Ang paglagda sa Magna Carta ng mga Pilipinong Marino ay hindi lamang tagumpay para sa ating mga manggagawa sa maritime — ito ay tagumpay para sa buong industriya ng maritime,” aniya.

“Ang mga Pilipinong marino ang nagbibigay-buhay sa global shipping, at nararapat lamang na magkaroon sila nang matibay na proteksyon sa batas habang sila’y naglalayag sa dagat,” dagdag pa niya.

Kontrobersyal na probisyon sa execution bonds

Isang kontrobersyal na probisyon ukol sa execution bonds, na matatagpuan sa Seksyon 59, ang binatikos ng rights groups dahil sa umano’y pumapabor ito sa mga may-ari ng barko at mga manning agency kaysa sa mga marino. 

Ang execution bond ay nag-oobliga sa mga marino na nanalo ng monetary award na maghain ng bond na sasakop sa mga kinukwestyong halaga at danyos sa panahon ng apela ng mga may-ari ng barko o ng manning agency.

Umani ng batikos mula sa mga mambabatas ang probisyong ito, kabilang sina Senador Aquilino Pimentel III at Risa Hontiveros, na bumoto laban sa panukala dahil sa pagkakasama nito.

Si Senador Joel Villanueva, na bumoto ng pabor sa ratipikasyon ng panukala “with a heavy heart,” ay nagpahayag din ng pangamba ukol sa execution bond.

“Malinaw na diskriminasyon ito, kung hindi man kawalan ng katarungan, sa ating mga marino na nagsasampa ng monetary claims dahil sa kanilang kagipitan sa pinansyal,” sabi ni Pimentel.

Reaksyon mula sa seafarers’ union 

Samantala, pinuri ng Associated Marine Officers and Seamen’s Union of the Philippines (AMOSUP), ang pinakamalaking unyon ng mga marino sa bansa, ang pagsasabatas ng Magna Carta.

Ayon kay Dr. Conrado Oca, pangulo ng AMOSUP, “Ang pagsasabatas ng Magna Carta para sa mga Pilipinong marino ay isang mahalagang tagumpay para sa lahat ng Pilipinong marino na nagsisilbi sa mga lokal at internasyonal na barko.”

Sinabi ni Oca na titiyakin ng batas ang pagsunod sa Maritime Labor Convention, 2006, at pangangalagaan ang karapatan ng mga Pilipinong marino sa makatarungan at kapaki-pakinabang na trabaho. Nagpahayag siya ng taos-pusong pasasalamat sa mga sumuporta sa panukalang batas sa kabila ng mga hamon.

“Ito ang perpektong pambungad sa ating selebrasyon ng ika-25 National Maritime Week at World Maritime Day,” ani Oca.

“Ang Magna Carta para sa mga Pilipinong marino ay tunay na isang regalo at isang napakagandang pagkilala sa ating marangal at masisipag na marino na malaki ang kontribusyon sa ekonomiya ng ating bansa, sa pag-usad ng pandaigdigang kalakalan, at sa pagpapanatili ng tuluy-tuloy na global supply at value chains,” dagdag niya.

“Ang aming taos-pusong pasasalamat mula sa aming matatapang na Pilipinong marino,” wika pa ni Oca.

Photo credit: President Ferdinand Marcos Jr. with the Magna Carta of Filipino Seafarers in Malacañang Palace on September 23, 2024.

The best maritime news and insights delivered to you.

subscribe maritime fairtrade

Here's what you can expect from us:

  • Event offers and discounts
  • News & key insights of the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on corruption and more