Mapanganib na karanasan ng Pilipinong mangingisda humarap sa Chinese Coast Guard

Tumataas ang tensyon sa West Philippine Sea sa pagitan ng Pilipinas at Tsina Naiipit ngayon ang mga Pilipinong mangingisda na ang tanging kabuhayan ay ang dagat dahil ito sa pinapatupad na bagong China Coast Guard Law sa karagatan.

Habang abala ang Pilipinas sa pagtanggap ng mga bakuna laban sa COVID-19 mula sa ibang bansa, at hinaharap ang pagresolba sa epekto ng pandemya sa ekonomiya, tumataas naman ang tensyon sa West Philippine Sea, dulot ng kontrobersiyal na China Coast Guard Law.  

Isang domestic legislation ang bagong batas na ipinapatupad ng bansang Tsina. Ibig sabihin nito, sila lang ang nagpapatupad nito para magkaroon sila ng rason na mapalayas sa karagatan ang sinumang magtangkang mangisda sa pinag-aagawang teritoryo. Pangamba, takot, at banta sa kabuhayan ng maraming Pilipinong mangingisda ang regulasyong ito, lalo’t hindi na sila malayang nakakalayag sa West Philippine Sea. 

Ayon sa Tsina, nasasakupan nila diumano ang malaking bahagi ng karagatan, at hindi kinikilala ang international arbitration awards na nagpapawalang bisa sa kanilang pinaniniwalaan. 

Ayon kay Philippine National Defense Secretary Delfin Lorenzana, mas lalong pinalalabo ng China Coast Guard law ang patas na pagtingin pagdating sa usaping teritoryo, at nagdudulot lamang ito ng pangamba at panganib sa karagatan. 

Pinalalala lang din ng bansang Tsina ang tensyon sa lahat ng mga bansa sa Timog Silangang Asya tulad ng Vietnam, Brunei, at Malaysia dahil sa mga Chinese militia na rumoronda sa karagatan. 

Nakaranas naman ang ilang mangingisda ng panggigipit mula sa China Coast Guard mula nang haranginn sila sa kanilang pinangingisdaan.

Pagharap sa Chinese Coast Guard

Sa isang eksklusibong pakikipanayam ng Maritime Fairtrade, inamin ni Larry Hugo, 42 taong gulang, isang Pilipinong mangingisda sa kanlurang bahagi ng Pilipinas ang pangha-harass na naranasan nya sa mga Chinese vessels sa Pag-asa Island na nasa West Philippine Sea. 

“Hindi na kami makalayo sa pangingisda dahil naghihintay sa malayo ang mga nagbabantay na Chinese vessels,” wika ni Hugo sa Maritime Faitrade, kung saan inilarawan niya ang kanyang naranasan sa West Philippine Sea noong Enero 25.  

“Noon, nakakapunta pa kami sa mga sandbars malapit sa isla roon. Pero pinagbawalan na kami ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy na mangisda roon,” ayon kay Hugo, na kung saan inamin niya na ang gobyerno ng Pilipinas na ang pumipigil sa kanila na mangisda roon. 

Paliwanag pa ni Hugo, ito ang kanyang muling punta sa naturang sandbar simula Nobyembre noong nakaraang taon, kaya ikinagulat niya na hinaharangan na silang mga mangingisda ng mga Chinese vessels roon. 

“Noong ako ay patawid ng sandbar Cay 2, bandang 8:30 ng umaga, isang China Coast Guard na may pangalang 5103 ang humarang sa dinaraanan ko” sabi ni Hugo, kaya naman nagmadali siyang bumalik at lumayo dahil sa takot.

“Huminto ang barko sa harapan ko, mga 60 metro lang ang layo mula sa akin,” ang sabi ng mangingisda. 

Si Hugo lamang ang mangingisda na naglayag ng ganung oras noong araw na iyon. Kinuhanan niya ng video ang nangyari gamit ang kanyang cellphone para idokumento ang kanyang naranasan sa pinag-aagawang lugar sa West Philippine Sea. 

Nag-viral sa social media ang video ni Hugo na kanyang i-pinost noong Enero 28. 

“Marami akong kalaban sa dagat. Yan oh, mga barko ng Chinese yan sa unahan ko lang. Hinaharang nila ako, di ako makapasok sa sandbar 2. Lalayo muna ako,” ang wika ni Hugo sa kanyang 26-second video clip. 

“Syempre, takut na takot ako. Akala ko aatakihin ako o itataboy gamit ang water cannon katulad ng ginagawa sa ibang mga mangingisda dati,” dagdag pa ni Hugo. 

“Bangka laban sa barko? Anong laban ko. Nakakatakot talaga,” paliwanag nya. 

Ayon sa ilang mga analysts, ito ay mga militia boats na ginagamit ng bansang Tsina para igiit ang kanilang gawa-gawang teritoryo sa naturang lugar.

“Atin ang West Philippine Sea”

Dumating sa isla si Hugo taong 2008. Mula siya sa Roxas, Palawan. Nagdesisyon siyang maging mangingisda dahil hindi sapat ang kanyang kinikita noon bilang manggagawa ng gobyerno. 

Ayon kay Hugo, sa loob ng sampung taon, malaya silang nakakapangisda noon sa dagat, kahit ilang daang nautical mile pang layo ang abutin nila. Noong uminit ang tensyon sa West Philippine Sea simula 2014, nagdatingan bigla ang mga Chinese vessels sa pinag-aagawang teritoryo. 

“Hindi na kami masyadong makalayo simula noon dahil sa mga barkong iyan na nakaharang. Di tulad ng dati, kaunti nalang ang aming nakukuhang isda ngayon dahil limitado na lang ang mga lugar na pinangingisdaan namin,” sabi niya. 

Nasa 35 na mangingisda ang kasalukuyang naninirahan sa Pag-asa Islands, ayon sa munisipal ng Kalayaan Island. Noon, kumikita sila ng P1,500-P2,000 (US$41.23) mula sa kanilang huli. Pero ngayon, kulang kulang na nasa P1,000 na lang. 

“Ang nakakalungkot pa, hindi kami maaaring magreklamo. Sabi ng otoridad, aaksyunan nila ang anumang reklamo na ihahain namin sakaling may maranasan kami, pero hindi naman nangyayari iyon,” sabi ni Hugo. 

“Syempre iba ibang emosyon. Natakot ako, nalungkot, at nagalit kasi atin ang West Philippine Sea.”

Hindi pinaniwalaan ang kanyang kuwento

Ayon sa Philippine military na nakabase sa Palawan, imposibleng mangyari ang naranasan ni Hugo patungkol sa pangha-harass ng mga Chinese vessels sa kanya. 

Sa datos ng Western Command data mula sa automatic identification system na nagmo-monitor sa karagatan, hindi naman gumagalaw ang apat na mga barko ng Tsina na nakaposisyon sa karagatan noong panahong iyon. 

Ayon pa sa Philippine military, “improbable” o kaduda-duda ang kuwento ng mangingisda. 

Ayon kay Hugo, bagamat nakakatakot ang karanasan niya sa karagatan ng makaharap ang mga Chinese vessels, mas nalulungkot siya dahil hindi siya kinakampihan ng kapwa Pilipino.  

“Sabi nila hindi iyon totoo, bakit ako magsisinungaling?” sabi ni Hugo.  

“Ano ang makukuha ko sa pagbabahagi noon,” dagdag pa ni Hugo, habang pinapaliwanag niya na wala silang nilalabag na anumang batas o regulasyon sa pangingisda. 

“Ang problema sa ating otoridad, hindi nila kayang makapagsalita para sa atin dahil takot din sila sa Tsina. Kami ang nasa lugar at alam namin ang sitwasyon sa dagat,” giit ni Hugo.

“Hindi nila kami kayang ipaglaban. Oh bakit nila hinahayaan na mag-ikot ikot lang sa dagat ang mga barkong iyan?” sabi pa niya. 

Walang problemang naganap

Ayon kay Mayor Roberto del Mundo ng munisipalidad ng Kalayaan sa Palawan, hindi sila pinapayagang magsalita patungkol sa national issue tulad ng sa West Philippine sea. 

“Maayos kami rito. Malayang nakakapangisda ang mga residente dito. Pero syempre, hindi maiiwasang maranasan ng ilan ang pangha-harass ng mga Chinese sa ating mga mamamayan,” sabi ni del Mundo sa Maritime Fairtrade. 

Pinaliwanag pa ng alkalde na hindi maaaring lumayo ang mga mangingisda dahil kakailanganin nila ang mas malaking bangka kung maglalayag dahil sobrang maalon ang dagat. 

“Atin ang West Philippine sea, pero kailangan nating sumunod sa regulasyon,” pahayag ng alkalde. 

Sagot ng Tsina

Isang linggo matapos ang kuwento ni Hugo, idinipensa ng embahada ng Tsina sa Manila ang kontrobersyal na Coast Guard Law bilang isang “domestic legislation.” 

“Ang China Coast Guard Law ay isang administrative law enforcement agency. Normal ang pagbuo nito bilang bahagi ng lehislatibong gawain ng Tsina,” pahayag ng embahada sa kanilang Facebook account bilang pagsagot sa napakaraming usapin sa West Philippine Sea. 

Ayon pa sa embahada, patuloy na magsasagawa ng diplomatic and negotiated resolution ang Tsina patungkol sa usaping pandagat. 

“Ang pagpapatupad ng Coast Guard Law ay hindi bago sa Tsina. Ito ay para sa kapakanan ng lahat… maraming mga bansa na ang gumagawa nito. Meron ding Philippine Coast Guard Law noong 2009 na nilikha para protektahan ang kanila. Ni isa, wala sa mga ito ang naging banta ng giyera,” pahayag sa isang statement ng embahada.  

Pero ayon kay dating Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario, ang bagong batas na ipinatutupad ng bansang Tsina ay nagpapakita lamang ng kanilang katigasan ng ulo, para lalong igiit nito ang kanilang paniniwala sa South China Sea, lalo’t may puwersa na ngayon, at posibleng maging bayolente pa.

Walang halagang tagumpay

Sa isa sa mga press briefing, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ipinagbabawal ang anumang paggamit ng dahas, base sa international law. Kailangang sumunod ng bansang Tsina sa obligasyong ito, na nasa ilalim ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).  

Taong 2016 nang maipanalo ng Pilipinas sa Permanent Court Arbitration sa Hague ang kaso, na nagpapawalang-bisa sa paniniwala ng Tsina na kanila lahat ang karagatan sa South China Sea. 

Pinatunayan din ng korte na ang mayaman sa langis na Recto (Reed) Bank ay nasa loob ng Exclusive Economic Zone (EZZ) ng Pilipinas, at sakop ng West Philippine Sea. 

Subalit patuloy na binabalewala ng Tsina ang tagumpay ng Pilipinas kaya naman lalo nitong pinaiigting ang puwersang militar sa karagatan. 

Sinimulan at inilaban ni dating Pangulo ng Pilipinas na si Benigno Aquino III ang nasabing arbitration case. Subalit marami ang bumabatikos ngayon sa kasalukuyang pangulo na si Rodrigo Duterte dahil sa hindi rin pagkilala nito sa naturang tagumpay na natanggap ng Pilipinas noon.

The best maritime news and insights delivered to you.

subscribe maritime fairtrade

Here's what you can expect from us:

  • Event offers and discounts
  • News & key insights of the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on corruption and more