Mga siyentipiko, nagbabala ukol sa ecological damage sa West Philippine Sea dahil sa militarisasyon ng China

Isinalin ni Liz Lagniton,  Ni Remedios Lucio

Matindi ang naging pinsala ng militarisasyon ng China sa pinag-aagawang West Philippine Sea (bahagi ng South China Sea), at saklaw ng exclusive economic zone o EEZ ng Pilipinas sa 1.8 milyong Pilipino na nakatira sa mga baybayin ng bansa, ayon sa mga marine scientist.

Ito ay dahil sa anila’y maraming taong walang tigil na aktibidad ng China sa kapaligiran ng pinag-aagawang karagatan, kabilang na ang malawakang pangangalap ng mga clam, iligal at labis na pangingisda, at pagsisiyasat sa ilalim ng dagat para sa langis at gas.

Sa panayam ng Maritime Fairtrade kay Atty. Gloria Estenzo-Ramos, bise-presidente ng Oceana, isang non-profit organization para sa pangangalaga ng karagatan, sinabi niyang higit na apektado sa pinsala sa marine environment ang municipal fishing sektor dahil nakadepende aniya ito sa West Philippine Sea bilang pinagkukunan ng kanilang kabuhayan.

Ang West Philippine Sea ay umaabot mula sa kanlurang baybayin ng Luzon, Mindoro, at Palawan hanggang sa Scarborough Shoal (Bajo de Masinloc) at sa Kalayaan Island Group. Ang Kalayaan Island Group ay kumakatawan sa 30 porsiyento ng kabuuang coral reef area sa bansa (3,257.70 km²). Sa humigit-kumulang 500 species ng coral reef fish at mahahalagang food fishes, nasa 20 porsiyento ang naiaambag nito sa annual commercial fisheries production sa bansa. 

Nauna nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) noong Mayo na nakikipagtulungan sila sa Office of the Solicitor General sa paghahanda ng environmental damage case laban sa China dahil sa pinsala sa coral reefs sa mga bahagi ng West Philippine Sea.

“Kailangan nating tiyakin na matibay ang ebidensya na ilalakip natin sa reklamo. Kumpiyansa kami na sa loob ng ilang linggo, matatapos namin ang aming reklamo kalakip ang mga ebidensya. Umaasa kami na sa tulong ng Office of the Solicitor General, magagawa naming magsampa ng environmental case laban sa China,” ayon kay DOJ spokesperson Mico Clavano sa panayam sa “Bagong Pilipinas Ngayon” TV show noong Mayo 30.

Kasunod ito sa natuklasang mga durog na coral sa Pag-asa (Thitu) Island at Escoda (Sabina) Shoal ng Philippine Coast Guard, na nagpapahiwatig umano ng mga pagtatangkang reclamation o pagtatayo ng mga bagong isla sa mga nasabing lugar.

Dahil dito, nanawagan si Senator Risa Hontiveros sa China na bayaran ang environmental damages sa mga karagatan na bahagi ng West Philippine Sea. Nauna nang inihain ng senador noong nakaraang taon ang Senate Resolution No. 804 upang humingi ng bayad-pinsala mula sa China. 

“Dapat tayong humingi ng bayad para sa pinsalang dulot ng China sa West Philippine Sea. Makakakuha tayo ng bilyon kung pipilitin natin ang China na magbayad. Ninanakawan na nga nila ang ating mga mangingisda sa kanilang mga kabuhayan, sinisira pa nila ang ating likas na yaman. Kung babayaran ng China ang lahat ng utang nito sa Pilipinas, tiyak na makakatulong ito sa economic crisis na kinakaharap natin,” sabi ni Hontiveros sa isang press release. 

Para kay Ramos, ang panawagan ng senador na humingi ng kabayaran sa pinsala sa kapaligiran ng West Philippine Sea ay nagpapakita ng kahalagahan ng 

environmental stewardship at sustainable development sa rehiyon.

“Layunin nitong tugunan ang long-term effects ng militarization at overfishing sa marine ecosystems at coastal communities habang itinataguyod nito ang accountability at responsableng pagkilos sa international scale. Itinataas nito ang international pressure at awareness at maaaring maging katalista para sa kooperasyon para sa proteksyon ng kapaligiran sa lugar. Kung makukuha ng Pilipinas ang kabayaran ay maaaring makatulong ito para sa mas mahusay na seguridad sa mga lugar sa ilalim ng Pilipinas at maaari ding magamit para sa rehabilitasyon ng nasirang coral reefs,” dagdag pa ni Ramos.

Pagdeklara ng mas maraming marine protected areas 

Patuloy ang Oceana sa pagpapalaganap ng kamalayan sa global scale tungkol  sa kahalagahan ng West Philippine Sea at ang patuloy na pagsira ng China sa karagatan. 

Ayon kay Ramos, makakatulong ang awareness sa pagkuha ng mas maraming suporta mula sa publiko para sa mga pagsisikap sa pangangalaga at pagbabago ng mga polisiya, at sa mobilisasyon ng mga stakeholder at pagbibigay kapangyarihan sa mga lokal na komunidad.

Matatandaang noong 2023, naghain si Senator Raffy Tulfo ng Senate Bill No. 1697 o Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal Marine Protected Area Act of 2022 na nagdedeklara sa tatlong nautical miles na nakapaligid sa Scarborough Shoal at Kalayaan Island Group bilang marine protected areas upang magsilbing mga living laboratories para sa scientific research; sumuporta sa marami pang environmental education; at maging mga ecotourism sites para sa diving at wildlife watching.

“Ang West Philippine Sea, partikular ang Kalayaan Island Group at Scarborough Shoal ay bahagi ng ating natural heritage. Ang pagdedeklara sa mga bahagi nito bilang marine protected areas ay isang proactive step tungo sa pangangalaga ng marine biodiversity, pagsuporta sa sustainable fisheries, at pagtataguyod sa long-term health and resilience ng mga marine ecosystem sa climate change,” paliwanag ni Ramos.

Dagdag niya, “Ang pagprotekta sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng marine protected areas ay nagpapakita ng commitment sa international conservation goals at responsible stewardship ng shared marine resources. Nagpapakita ito ng halimbawa para sa kooperasyon sa pagitan ng mga bansa upang tugunan ang mga pandaigdigang hamon tulad ng overfishing at habitat degradation. Sa pagtatatag ng marine protected areas sa West Philippine Sea, makikinabang hindi lamang ang mga Pilipino kundi pati na rin ang buong mundo.”

Pinsala sa ecosystem at pagkalugi sa ekonomiya 

Sa pinakabagong pag-aaral ng Asia Maritime Transparency Initiative (AMTI), na pinamagatang Deep Blue Scars: Environmental Threats to the South China Sea, lumalabas na ang dredging at landfill operations ng China ay nagdulot ng malaking pinsala sa coral reef sa Pilipinas sa loob ng mahigit isang dekada.

Ang West Philippine Sea ay may mahigit na 100 reef features, na sumasaklaw sa 37,200 km² – humigit-kumulang limang porsiyento ng kabuuang reef cover sa mundo.

Sa kasalukuyan, okupado ng China ang dalawampu’t pitong reefs (nasa 4,648 acres), at nasira ang karamihan sa mga ito dahil sa patuloy na dredging at landfills.

Tinatayang nasa 16,535 acres ng coral reefs ang nasira dahil sa malawakang pangangalap ng giant clams. Lumiit ito ng 16 porsiyento sa nakalipas na 10 taon.

“Una, kailangan nang itigil ang pangangalap ng giant clams. Sa pamamagitan ng pag-adopt ng multi-faceted approach na pinagsamang legal measures, community engagement, scientific research, and international cooperation, maaaring magawa ang mga hakbang upang tugunan ang pinsalang dulot ng giant clam harvesting sa West Philippine Sea. 

Sa katunayan, ani Ramos, matagumpay na nakapag-restock ng giant clams sa bansa ang University of the Philippines – Marine Science Institute (UP-MSI) at “maaari rin itong gawin sa West Philippine Sea.”

Sa pagtataya ng UP-MSI noong 2019, nawawalan ang Pilipinas ng humigit-kumulang P33.1 bilyon (US$681.4 million) taun-taon dahil sa pinsala sa reef ecosystem sa pinagtatalunang lugar.

Sa annual fish catch data ng Sea Around Us sa West Philippine Sea, nakita ang pagtaas ng fish stock noong 2010 ng 732,110 tons ngunit bumaba rin ito mula noon. Ang paglaban sa illegal, unreported, at unregulated (IUU) na pangingisda ay  higit pang makakabawas sa mga negatibong epekto sa dagat. 

Sa kasalukuyan,  patuloy na isinusulong ng Oceana ang pangangalaga sa mga marine habitat at pagsuporta sa karapatan ng mga artisanal na mangingisda sa pagkakaroon ng preferential access sa kanilang mga fishing ground.

“Makakatulong tayo sa mobilisasyon ng mga stakeholder at pagbibigay kapangyarihan sa mga lokal na komunidad, lalo na ang mga maliliit na mangingisda. Sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng kamalayan sa  pandaigdigang saklaw, maaari nating maitaguyod ang international cooperation at collaboration,” ayon kay Ramos.

“Isa sa mga kampanya ng Oceana sa Pilipinas ay ang labanan ang IUU fishing. Sa pamamagitan ng mga makabagong teknolohiya, mino-monitor ng Oceana ang mga aktibidad sa pangingisda sa West Philippine Sea. 

Ayon sa Oceana, patuloy nilang isusulong ang sustainable management of fisheries sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga batas at proteksyon ng mga crucial habitat, partikular ang coral reefs at mangroves. Patuloy ang organisasyon sa pagsuporta sa pagpapatupad ng sustainable fisheries management at ang pagbawas ng mga banta mula sa IUU fishing, overfishing at plastic pollution.

Photo credit: iStock/ rweisswald. A generic image of a Filipino fisherman, North Bays Bay, Philippines, October 15, 2016. 

The best maritime news and insights delivered to you.

subscribe maritime fairtrade

Here's what you can expect from us:

  • Event offers and discounts
  • News & key insights of the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on corruption and more