Ni Liz Lagniton, Salin ni Ina Silverio
Isinumite ng Philippine Maritime Industry (MARINA) sa European Union (EU) ang compliance report sa International Convention on Standards of Training, Certification, and Watchkeeping (STCW) kasabay ng pangakong pagbubutihin ng ahensya ang pagpapatupad sa mga panuntunan ng Convention.
Sinabi ni Vice Admiral Robert Empedrad, pinuno ng MARINA, naisumite nila ang ulat bago ang deadline na ibinigay ng European Maritime Safety Agency (EMSA) noong Marso 10. Ayon sa EMSA, maraming pagkukulang ang Pilipinas pagdating sa edukasyon, training at sertipikasyon ng mga marino.
Sinabi ni Empedrad sa Maritime Fairtrade isang linggo pagkatapos ng compliance report na nasagot nila ang lahat ng mga kakulangang hinahanap ng EMSA maliban sa mga may kaugnayan sa maritime higher education institutions (MHEIs).
Ayon sa kanya, kulang ang panahong ibinigay ng EMSA dahil noong Disyembre lamang nila natanggap ang babala. Kailangan pa nilang puntahan at gawan mg imbestigasyon ang mga maritime college. Nagbigay na sila sa EMSA ng timeline na susundan.
Inamin ni Empedrad na maaaring tanggalan ng EMSA ng certification ang 40, 000 na Pilipinong mandaragat sa mga barko sa Europe dahil hindi naipatupad ng mga ahensya sa Pilipinas ang mga pagbabagong hinihingi ng EMSA s ginawa nitong compliance assessment noong 2006.
Ayon sa pagtataya ng EMSA noonG 2006, may mga maritime training institutions sa Pilipinas na hindi sumusunod sa mga panuntunan STCW. Ganito din ang pagkukulang na nakita at inulat sa pagtataya na isinagawa ng 2010, 2012, 2013, 2014 at 2017.
“Dumalaw ang EMSA noong 2020 upang tignan kung ginagawa na ang mga pagbabagong hinihingi nila noong mga nakaraang taon pero nadagdagan pa pala ang mga nakitang nilang kailangang baguhin,” sabi ni Empedrad na naging pinuno ng Marina noong 2020.
Alisin ang shipboard training sa mga eskwelahang maritime
“Kailangang sumunod na lang tayo sa mga hinihingi ng EMSA kahit lampas na and Marso 10 na deadline dahil ito ang nararapat. Malinaw naman nating natugunan ang mga tanong sa ulat nila.”
Ayon kay Empedrad, tinukoy ng EMSA ang kakulangan sa shipboard training ng ilang paaralan sa Pilipinas dahil kailangang may bachelor’s degree sa marine transportation o marine engineering bago makatanggap ng certification ang isang seaman.
“Kasama sa mga plano natin ang tanggalin mula sa mga paaralan ang onboard training upang hindi na napapasailalim ng EMSA ang maritime schools. Sa halip ay tungkulin na ito ng MARINA. Sinabi na natin ito sa EMSA bilang najagi ng ating pagsunod sa mga itinakda nila.”
Ipinaliwanag niya na isang taong dapat nakasampa sa barko ang mga estudyante para sa onboard training. “Ang problema, may ilang eskwelahan ang hindi kayang isakay sa barko ang kanilang mga estudyante. Minsan umaabot na sa pito hanggang walong taon pero hindi pa rin nila napapasampa,” ani Empedrad.
Ipinaliwanag ni Empedrad na kailangan ng isang taong onboard training ang isang kadete pero hindi ito naibibigay ng ilang paaralan.
“Kung alisin ang onboard training sa curriculum ng mga paaralan, maaring MARINA na ang humawak dito. Puwedeng maibigay ng MARINA ang kinakailangang pagsasanay sa tulong marahil ng Philippine armed services,” ayon sa dating pinuno ng Philippine Navy.
Paghusayin ang mga inspeksyon
“Ang susunod na hakbang ay ang pagsasagawa natin sa mga nakasaad sa EMSA report gaya ng paglipat sa bagong curriculum ng maritime higher education ngayong parating na pasukan.”
“Iinspeksyunin na natin ang eskwelahan na may mga problema. Bumubuo na ang MARINA ng mga pangkat na mangangasiwa sa implementasyon ng mga plano at programang isinumite nila sa EMSA kasama na ang pagdalaw at inspeksyon ng mga kolehiyo ng seafarers.
Inamin ni Empedrad na hindi binigyang pansin noong mga nakaraang taon ang mga suliraning iniulat ni EMSA kaya’t nabawasan ang tiwala nito sa mga ahensyang nagpapadala ng crew mula sa Pilipinas. Ito ang kinalabasan ng audit noong 2022.
Ayon sa kanya, bagamat alam at nauunawaan ng mga sektor ng shipping at crewing sa Pilipinas ang kahalagahan ng STWC Convention, pinili ng ilan na baguhin ang interpretasyon sa halip na sumunod na lamang sa mga panuntunang napagkasunduan noon 1978 Convention.
Paglilinaw sa Papel ng MARINA sa Edukasyon
Nilinaw din ni Empedrad na bagamat MARINA ang nangangasiwa sa maritime industry sa Pilipinas, Commission on Higher Education (CHED) and namamahala sa mga maritime college at maritime training.
“Ang CHED ang nagpapasya sa mga usaping may kinalaman sa mga maritime school, gaya ng pagpapaunlad ng curriculum, pagsunod sa mga panuntunan at pagsasara. Tagapagbigay lamang ng rekomendasyon ang MARINA.”
“Edukasyon ng mga seaman ang isyu ng EMSA at ang pagbabantay dito ay tungkulin ng MARINA. Ang hawak ng Marina ay ang kapakanan ng mga seaman pag nakapagtapos na sila ng pag-aaral.”
Gayunpaman, nakikipagtulungan umano ang MARINA sa CHED sa pagsiyasat sa mga umiiral na polisiya at sa inspeksyon ng mga maritime training institution. Nilinaw pa rin ni Empedrad na kung may nakita man silang mali o pagkukulang sa isang kolehiyo, ang CHED at hindi MARINA ang mag pagpapasya kung isasara ito o hindi.
Alam daw ni Empedrad na marami pang kailangang gawin upang lubusang makasabay ang Pilipinas sa STCW Convention at umaasa siyang makikita ng EMSA ang pagpupursige ng Pilipinas na maisagawa ito.
“Ginawa natin ang lahat ng ating makakaya at maipagmamalaki natin na higit na maayos na ang compliance natin, bagay na hindi natin ginagawa mula 2006 hanggang 2020.”
Umaasa rin si Empedrad na maibabalik ng Pilipinas sa pamamagitan ng kanilang compliance report ang tiwala ng EMSA sa mga Pilipinong seafarer.
“Mahalagang muling magtiwala sa atin ang European Commission at umaasa akong positibo ang kalalabasan ng ating ulat sa EMSA. Ayokong pangunahan ang EC dahil nasa kanila pa rin ang disisyon.”
Paghahanda Para sa Pinakamasahol na Kaganapan
Tuluyan mang bawiin ng EC ang sertipikasyon ng mga Pilipinong seafarer ngayong taon, ayon kay Empedrad, 500 lamang ang maapektuhan dahil limang taon naman ang validity ng lisensya ng seaman.
“Hindi naman maapektuhan ang mga seafarer na bago o current ang lisensya. Kung bago ang lisensiya mo, hindi ka apektado dahil hanggang limang taon ang lisensya,” paliwanag niya.
Gayunpaman, umaasa si Empedrad na kikilalanin ng EU ang kakayahan at kasanayan ng mga Pilipinong marino dahil mismong mga may ari ng barko ang nakakaalam na magagaling ang mga Pilipinong mandaragat.
Sinabi ng Empedrad na mga shipowner ang unang nag-alala ukol sa babala ng EMSA hindi lamang dahil sa gusto nila ang mga Pilipinong crew kundi dahil bihirang masangkot sa aksidente sa barko ang mga ito.
“Ito ang ating maaaring ipagmalaki tungkol sa ating mga mandaragat. Nangunguna pa rin ang Pilipinas bilang source ng mga marino sa mundo.”
Sa kabila ng nagatibong ulat ng EMSA, mga Pilipino pa rin ang pinipili ng mga shipowner dahil may kakayahan sila at hindi pumipili ng trabahong gagawin.
“Malaki ang demand para sa mga seafarer dahil sa epekto ng digmaan sa pagitan ng Ukraine at Russia at matutugunan ng mga Pilipinong mandaragat, ang pangangailangang ito,” sabi ni Empedrad.
Pinapangako ni Empredad sa mga Pilipino na ginagawa ng MARINA ang lahat ng kanilang makakaya upang makasunod sa STCW Convention. “Ito ang pangakong pinanghahawakan natin, kasama ito sa ulat natin sa EMSA. Kasama ng mga hakbang na susundan natin para matupad ito.”
Larawan mula sa delegasyon ng European Union sa Pilipinas. Nakipagpulong si Philippine Maritime Industry Authority administrator Robert Empedrad (ikalawa mula sa kanan) kay H.E. Ambassador Luc Véron (gitna) sa tanggapan ng European Union upang isumite ang tugon ng Pilipinas sa European Commission assessment report kaugnay sa kalagayan ng edukasyong maritime, training, at sistemang sertipikasyon sa Pilipinas.