Binuksan ng Philippine Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang kauna-unahang Seafarers’ Hub nito sa 1108 A Mabini Street, Malate, Maynila, na naglalayong tumugon sa mga pangangailangan ng mga seafarer o marinong Pilipino at upang masiguro ang kanilang kapakanan at kaligtasan.
Sa naganap na opening ceremony ng hub noong Hulyo 11 na dinaluhan ni Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac, sinabi ni OWWA administrator Arnell Ignacio na 24/7 ang operasyon ng hub na layong suportahan ang mga seafarer na nag-aayos ng kanilang mga papeles, may interbyu, at training sessions.
Sa loob ng hub, makikitang partikular na idinisenyo ang bagong pasilidad para sa mga Pilipinong marino kung saan magsisilbi ring information center tungkol sa kanilang karapatan at prebilehiyo.
“Nakita namin sa T.M. Kalaw ang mga seafarer na naghihintay, may mga hawak na envelope sa ilalim ng araw, nang walang pagkain. Naghanap kami ng malapit na lugar upang bigyan sila ng pagkain at isang maayos na lugar na bukas ng 24 oras. Walang sinuman ang magpapaalis sa kanila dito,” paliwanag ni Ignacio sa isang press briefing.
Sa mga nagdaang taon, ang Kalaw Avenue sa Maynila ang naging mecca para sa mga batikang marino na nagre-renew ng mga kontrata o mga bagong marino na naghahanap ng trabaho, dahil marami sa manning agencies at maritime companies ay matatagpuan dito.
Halfway tambayan
Bilang one-stop shop, sinabi ni Ignacio na tutugon ang bagong hub sa mga pangangailangan ng mga seafarer kung saan may resting lounge, libreng pagkain, kape, inumin, koneksyon sa internet, charging stations, at local calls para matawagan ang kanilang pamilya. Aniya, magsisilbi itong komportableng “halfway tambayan” para sa kanila.
Bukod pa rito, magsisilbi ring lugar para sa training at workshops ang center para sa pagpapahusay ng mga kasanayan at kaalaman ng mga marino at pagbibigay ng mahahalagang serbisyo tulad ng employment assistance, legal aid, at family support.
“Ang inisyatibong ito ay tugon sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unahin ang kapakanan ng mga OFWs,” paliwanag ni Ignacio, na binigyang-diin ang papel ng hub sa pagbibigay ng marangal na alternatibo sa mga seafarer na naghihintay sa tabi ng kalsada sa loob ng maraming taon. Ang OFWs ay tumutukoy sa overseas Filipino workers.
The interior of Seafarers’ Hub. Photos credit: OWWA
Pag-iwas sa ambulance chasing
Bukod sa pagbibigay ng lugar upang makapagpahinga, layunin din ng hub na maiwasan ang “ambulance chasing” mula sa unscrupulous admiralty law firms na nanghihikayat sa mga seafarer na magsampa ng mga pekeng reklamo para sa mga aksidente sa dagat, sa pamamagitan ng pagbibigay ng legal aid sa pakikipagtulungan sa Integrated Bar of the Philippines (IBP).
“Naging laganap ang ambulance chasing. Nakikipag-usap sila sa mga seafarer, pinipilit silang pumirma ng mga dokumento, at kapag nagsampa sila ng kaso at nanalo, nauuwi rin sa wala dahil sa mga kasunduan na kanilang pinirmahan. Sa pamamagitan ng IBP, magbibigay kami ng legal assistance at sana ay maisama rin ang mga pasilidad para sa BP, ECG, at HIV tests,” ayon kay Ignacio.
Sa mga nakaraang taon, lumalaki ang mga alalahanin tungkol sa ambulance chasing sa mga pangunahing shipping company, kung saan malaking halaga ng kompensasyon ang napupunta lamang sa bulsa ng mga abogado sa halip na sa mga marino.
Kabilang sa inaalok na libreng serbisyong pangkalusugan sa hub ang ECG, BP, at HIV tests, upang suportahan ang kapakanan ng mga seafarer.
Batay sa 2023 statistics ng Department of Migrant Workers, nasa 578,626 marinong Pilipino ang na-deploy sa ibang bansa, lampas ito sa pre-pandemic record ng higit sa 12 porsyento.
Samantala, binuksan din ng OWWA ang pangalawang OFW Lounge sa Ninoy International Airport (NAIA) Terminal 3 nito ring Hulyo, na kayang tumanggap ng hanggang 200 OFW, kasunod ng tagumpay ng unang lounge sa NAIA Terminal 1.
Reaksyon ng mga seafarer
Lubos na ikinatuwa ng mga seafarer tulad ni Arstone T. Aurelio, na may 13 taong karanasan sa pagbabarko, ang pagkakaroon ng bagong seafarers’ hub, na magbibigay nang mas malawak na mga serbisyo at amenity na tutugon sa kanilang mga pangangailangan.
“Ang hub na ito ay magbibigay ng lugar para sa mga seafarer na gustong magpahinga at mag-relax, upang makakuha ng kinakailangang pahinga mula sa pagiging abala at nakaka-stress na mga araw habang nasa Maynila para sa training at pag-renew ng mga dokumento sa aming manning agency at Marina,” pagbabahagi ni Aurelio sa Maritime Fairtrade, kung saan binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagkakaroon ng libreng Wi-Fi upang mapanatili ang komunikasyon sa pamilya.
Suportado rin ni Aurelio ang papel ng hub na iiwas sa ambulance chasing ang mga seafarer na kadalasang makikita sa Kalaw Street na nag-aapply at nagpo-proseso ng mga dokumento.
“Mahalaga sa amin ang counseling at legal assistance upang maprotektahan kami laban sa mga ambulance chaser at ma-educate ang mga seafarer [ukol dito],” sabi ni Aurelio, kung saan iminungkahi rin niya ang pagkakaroon ng mini-library sa hub upang magkaroon ng access sa mga maritime book at educational material para sa karagdagang kaalaman ng mga marino.
Sumang-ayun dito ang kapitan ng barko na si John Michael Lechugas, 39, at pinasalamatan ang OWWA sa pagbibigay ng hub para sa ligtas at komportableng tambayan para sa lahat ng seafarers.
“Ito ay isang positibong hakbang para sa lahat ng seafarers. Ngayon, mayroon kaming hub na maaari naming tambayan ng ilang oras, may libreng pagkain tulad ng sa mga airport lounge, sa halip na magtipon sa labas [ng Kalaw],” sabi ni Lechugas.
Sa Pilipinas, nagsisimula ang karera sa dagat sa pagharap sa mga hamon sa pag-a-apply ng trabaho kung saan kadalasang makikita ang mga marino na tumatambay sa Kalaw Street para sa mga job opportunity sa barko na iniaalok ng mga recruitment agency sa paligid ng lugar.
“Malaking tulong ito para sa amin, lalo na sa panahon na maliit ang budget, dahil libre ang mga meryenda sa hub na maaaring (kahit papaano) makatulong na maibsan ang gutom,” dagdag ni Lechugas.
Sa kabila ng medyo pagkadismaya sa kanyang unang pagbisita sa hub, matapos siyang pagbawalan na makakuha ng impormasyon tungkol dito, nilinaw ni Lechugas, isang kilalang vlogger sa industriya ng maritime na may higit 172,000 followers, na nais lamang niyang mangalap ng impormasyon upang ibahagi sa kapwa mga seafarer.
“Nawa’y hindi lamang para sa PR (public relations) ang pagbubukas nila ng hub. Hindi ako natuwa sa aking unang pagbisita dahil limitado ang amenities, hindi agad nare-replenish ang sabon. Mukhang natatakot sila na kung malalaman ito ng lahat ng seafarer, mauubos ang kanilang budget at mahirapan silang panatilihin ang libreng pagkain na kanilang ina-advertise,” ayon sa obserbasyon ng kapitan.
Nang tanungin tungkol sa karagdagang pagpapabuti para sa Seafarers’ Hub, sinabi ni Lechugas na, “Maganda sana na ma-desiminate ang impormasyon tungkol sa hub kasi malaking bagay iyon. Like yes, we have a hub, pero kapag pumunta ka doon hindi alam ng ibang seamen na need ng sid o seaman’s book as proof na seaman sila. Like simple info para hindi masayang ‘yung effort nila na kailangan nila ng identification para makapasok sila sa hub. Because of restriction or controlled info sa hub, diyan sila magkaka-problema balang araw,” pagtatapos ni Lechugas.
Para naman kay Aurelio, mahalaga ang feedback mula sa mga seafarer na gumagamit ng lounge upang patuloy na mapabuti ang mga serbisyo sa pasilidad.
“Nakikita kong makabuluhan ang lounge na ito sa pagpapabuti ng kalidad ng buhay ng mga seafarer. Isa ito sa pinakamagandang welfare projects para sa amin na maaari naming tawaging “home away from home”, pagtatapos ni Aurelio, na umaasang magkakaroon din ng katulad nito sa mga probinsya na may malalaking populasyon ng mga marino.
Top photo credit: OWWA. Seafarers’ Hub at 1108 A Mabini Street in Malate, Manila.