Tuloy ang Pamamaslang sa mga Sibilyan at Paglabag sa Karapatang Pantao sa Pilipinas

Nagsimula ang Hulyo 18  bilang isang ordinaryong araw sa Brgy. Guinhawa, Taysan, Batangas. Maaga pa noon at nagbabantay ng mga alagang kambing sa kanilang bakuran ang siyam na taong gulang na si Kyllene Casao.

Bigla na lang may mga dumating na mga sundalo at nagsimula itong tanungin ang ama ni Kyllene at ang kanyang 14-taong na kapatid na lalaki. Inakusahan ng mga sundalo ang ama ni Kyllene na tagasuporta daw siya ng  New People’s Army (NPA), ang armadong pwersa ng Communist Party of the Philippines na pinaratang ng pamahalaan bilang isang teroristang organisasyon.

Sa lubos na takot, sinabihan ng ama ng Kyllene ang kanyang mga anak na umalis na. Agad na tumalima si Kyllene at tumakbong palayo. Dalawang beses na nagpaputok ng baril ang mga sundalo at tumama ang isang bala kay Kyllene. Tinamaan siya sa ulo. 

Pagdating ng tanghali, nakita ang ama ni Kyllene na may bitbit na kahon papunta sa Taysan Rural Health Center. Nasa loob ng kahon si Kyllene at dineklarang dead on arrival.

Nakumpirma na ang mga sundalong sangkot sa pagbaril at pagpatay kay Kyllene ay nasa ilalim ng 59th Infantry Battalion ng  Philippine Army. Nang lumaganap na ang ang ulat tungkol sa sinapit ng bata, naglabas si  battalion commander  Col. Ernesto Teneza Jr ng isang pahayag na isang casualty umano si Kyllene.  May naganap umano ang engkwentro ng 1:10 pm.

Mabilis namang umaksyon ang mga grupong pang-karapatang pantao sa rehiyon at nagsagawa sila ng isang fact-finding mission. Natuklasan nila na may nangyari ngang engkwentrong militar, pero sa Sitio Amatong at hindi sa Sitio Centro kung saan pinatay si Kyllene. Limang kilometro ang layo ng dalawang sitio sa isa’t-isa. 

Nagsalita na rin mga grupong magsasaka. Kinondena nila ang 59th IB at sinabing dapat panagutin ang pamunuan nito sa nangyari kay Kyllene. Sinabi ng Amihan National Federation of Peasant Women na responsible din ang naturang unit ng militar sa pagdukot, pagtortyur, at paggahasa sa isa pang batang babeng pesante noong 2020. Kinidnap ang dalagita at ilegal na dinetina mula Hulyo hanggang Agosto ng taong iyon.

Kinidnap, Tinortyur, at Ginahasa

Pauwi na sa kanilang bahay si Belle (hindi tunay na pangalan) at ang kanyang kapatid matapos bumili sa tindahan nang huminto sa tapat nila ang isang van na lulan ng mga lalaki. Hinablot nila si Belle, nilagyan ng piring ang mga mata, busal sa bibig, at tinalian ang kanyang mga kamay. Dinala siya sa isang kampo militar at paulit-ulit na inenterogeyt ng mga sundalo. Pinilit siyang sabihin na ang kanyang nanay ay isang myembro ng NPA. 

Ang nanay ni Belle ay isang magsasaka ng niyog at isang aktibong miyembro ng  Coco Levy Fund Ibalik sa Amin (CLAIM), isang samahang layon na pagkaisahin ang mga magsasaka ng niyog sa Quezon upang mangampanya para sa makaturang presyo ng niyog at mga produktong galing dito.

“Kasabay ng aming pakikidalamhati, nakikiisa kami sa pamilya ni Kyllene sa kanilang panawagan para sa katarungan,” ani Zenaida Soriano, tagapangulo ng Amihan. “Napaka-bulnerable ng mga batang kababaihang anak ng mga magsasaka at madalas silang biktima ng karahasan ng mga militar. Dapat panagutin ang 59th IB at ang Armed Forces of Philippine (AFP) sa mga kawalangyaan at kalupitang ginagawa nila sa mga kababaihang magsasaka kabilang na ang mga bata.”

Nagpahayag din ng galit ang Amihan sa anila’y patuloy na harasment ng mga militar sa pamilya ni Kyllene. Batay sa rin sa ulat ng   Mothers and Children for the Protection of Human Rights, mistulang hostage sa kanyang sariling tahanan ang ama ni Kyllene at hindi pinapayagang lapitan ng mga grupo ng karapatang pantao. Hinaras din umano ng mga sundalo ang mga kamag-anak nina Kyllene at ang mga human rights volunteers sa lamay ng bata.

“Kailangang magkaroon ng katarungan para kina Kyllene at Belle, at nanawagan kaming tapusin na ang militarisasyon sa kanayunan. Kailangang umalis na ang lahat mga sundalo sa mga komunidad ng mga magsasaka. Hangga’t may mga militar sa mga komunidad sa probinsya, mauulit at mauulit ang mga insidente ng karahasan kung saan mabibiktima ang mga batang kababaihan,” sabi ni Soriano.

Nagawa na rin mga grupong KARAPATAN sa Timog Katagalugan at ng Tanggol Batangas na magsagawa ng dayalogo kasama ang tanggapan ni Batangas Governor  Hermilando Mandanas sa Provincial Capital sa Batangas City. 

Nagsumite ng sulat ang dalawang grupo kung saan mariin nilang igiit na gamitin ng lokal na pamahaalan ang lahat ng paraang kaya nito upang imbestigahan ang insidente ng pagpatay kay Kyllene. Dapat din umanong pamunuan ng lokal na pamahalaan ng Batangas ang isang independienteng imbestigasyon sa sitwasyon ng karapatang pantao sa probinsya. Mahalaga din daw na bigyan ng tulong ang mga pamilya at komunidad na apektado ng militarisasyon.

Nagsumite ng liham ang Karapatan sa pamahalaang panlalawigan ng Batangas, na humihiling ng imbestigasyon.

Patuloy na Pamamaslang sa sa mga Sibilyan 

Isang linggo matapos patayin si Kyllene, pinatay din ng mga sundao ang 52-taong si Maximinio Digno, isang magsasakang may mga problema sa pag-iisp. Inakusan ng mga sundalo ang magsasaka na isa siyang NPA at binaril. 

Sa isang katulad na kaganapan sa Negros Oriental, nanawagan ang mga aktibista para sa karapatang pantao na managot ang mga  elemento ng 62nd IB sa pagpaslang kina Christina Jacolbe, ang kanyang 16-taong gulang na anak na si Everly Kee Jacolbe, at kay Rodan Montero. Pinatay ang tatlo sa Sitio Banderahan, Brgy. Trinidad, Guihulngan City noong  Hulyo 26, 2022.  Isang dating empleyado sa isang daycare center ni Jacolbe at naging biktima ng red tagging ng mga pwersa militar.

Sinabi ng  Kabataan para sa Karapatan na naka-base sa Negros na tinamnan ng mga militar ng mga armas ang mga biktima upang palabasing mga combatant ang mga ito at napatay sa isang 10-minutong engkwentro.  Pinabulaanan naman agad ng mga residente sa komunidad na may naganap na engkwentro.

Ang lumalaking bilang ng mga kaso ng pang-aabusong militar sa mga probinsya ay nagpapalakas sa mga panawagan na palayasin ang mga militar sa mga komunidad ng magsasaka.

“Hangga’t may presensya ang mga militar sa mga komunidad, maraming mga paglabag sa karapatang pantao ng mga magsasaka at mga pamilya nila ang mangyayari,” giit ni Soriano.

Tahimik sa Usapin ng Karapatang Pantao

Malinaw na matapos ang halalan noong Mayo 9, nagsimula na muli ang pagpatay ng mga militar sa mga sibilyan, gayundin ang iba pang paglabag sa karapatang sibil . Tatlong buwan matapos umupo ang bagong gobyerno ng anak ng dating diktador na si  Ferdinand Marcos Jr., nagpahayag na ng pangamba ang mga grupong nagbabantay sa mga karapatang pantao sa Pilipinas.

Ayon sa mga grupong Karapatan at Kapatid, kabaha-bahala na kahit minsan ay hindi nagbanggit si Marcos Jr ng tungkol sa karapatang pantao noong binigay niya ang kanyang unang  State of the Nation Address (SONA) noong Hulyo 25.

“Pag may nakakabinging katahimikan sa mga isyung ito, nakikita na nating walang magiging makabuluhang pagbabago sa mga mapanupil na polisiya ng nagdaang administrasyon. Ang epekto ay isang mas masahol sa sitwasyon kung saan lalong kumikitid ang mga espasyong demokratiko,” sabi ni  Cristina Palabay, pangkalahatang kalihim ng grupong Karapatan.

Nagsalita na rin ang  Human Rights Watch (HRW) sa usapin.

“May ginintuang oportunidad si Pang. Maros na ilagay sa tamang landas ang Pilipinas sa pamamagitan ng pagbibigay prayoridad sa mga usapin ng karapatang pantao at pagtatakda ng malinaw na patakaran kaugnay dito,” ani Phil Robertson,  deputy director for Asia ng HRW.

“Anim na taon matapos ang madugong gera kontra gera ni dating Pang. Rodrigo Duterte kung saan libo-libo ang pinatay, kailangang ipakita ni Marcos na seryoso siya na panagutin ang mga nararapat managot sa mga naging paglabag sa karapatang pantao. Kailangang malinaw din niyang ideklara na hindi na mauulit ang mga pang-aabuso.”

Sa sobrang sahol ng rekord ni Duterte pagdating sa karapatang pantao, hinahabol na siya ng  International Criminal Court (ICC) upang kasuhan ng mga krimen laban sa sangkatauhan o crimes against humanity. Ang hindi pagsasalita si Marcos Jr sa isyu ng karapatang pantao ay tinitignan ng mga grupo ng karapatang pantao bilang isang masamang senyales.

Pagdukot at mga Iligal na Pag-Aresto

Nitong nakaraang Hulyo, nagtungo ang mga grupo ng karapatang pantao sa tanggapan ng  Commission on Human Rights (CHR) para humingi ng tulong na hanapin ang kanilang mga nawawalang kaanak.

Dalawa sa mga dinukot na sibilyan ay mga organisador ng manggagawa, sina  Elizabeth ‘Loi’ Magbanua at Alipio ‘Ador’ Juat. Nawawala sila mula noong   Mayo 3. Ang dalawa pa, sina Elgene Mungcal at Ma. Elena Cortez Pampoza, ay mga kampanyador para sa mga progresibong party-list  Gabriela Women’s Partylist and Anakpawis (Toiling Masses). Nawawala sila mula Hulyo 3.

Huling nakita sina Magbanua at Juat sa Brgy. Punturin sa Valenzuela City matapos dumalo sa isang pulong sa komunidad. Sinabi ng anak ni Juat na nakausap niya ang kanyang ina noong ikatlong linggo ng Mato. Sinabi umano ni Juat na siya at si Magbanua ay dinukot ng mga elemento ng Philippine Navy, pero pinaghiwalay agad sila. Mula noon ay nakapiit na sila sa kampo militar sa Camp Aguinaldo sa Quezon City.

Sina Mungcal at Pampoza naman ay kapwa mga advocate ng repormang agraryo na laging nakikipamuhay sa mga magsasaka. Huli silang nakita sa isang supermarket sa  Moncada, Tarlac. Ayon sa mga anak ni Pampoza, gumagana pa ang Viber account ng kanilang nanay hanggang Hulyo 5, pero hindi sumasagot sa kanilang mga mensahe.

Nauna na ring magsagawa ang mga pamilya ng biktima, at mga kinatawan ng grupong Gabriela at Kilusang Mayo Uno (KMU) ng isang dayalogo katapat ang mga pinuno ng CHR upang manawagan ng kagyat na imbestigasyon at tulong na hanapin ang mga biktima na kanilang tingin ay hawak ng mga pwersang pulis o/at militar.

Hanggang sa kasaluyan ay hindi alam kung buhay pa ang mga nawawalang sibilyan.

Sinabi ng pangkalahatang kalihim ng Gabriela na si Joms Salvador na mga insidente ng pangdukot at pag-aresto sa mga sibilyan at aktibista ay nagpapatuloy matapos ang halalan noon Mayo.

“May pag-asa ba na gaganda ang sitwasyon ng karapatang pantao sa Pilipinas kung ganito pa lang kaaga sa bagong gobyerno ay nagiging desaparecido na ang mga  kababaihang aktibista, mga organisador ng mga manggagawa? Mga Pilipino silang walang pagod na naglilingkod sa mga mahihirap at nagsusulong sa kanilang mga demokratikong karapatan na magkaroon ng nakabubuhay na sahod, trabaho, sapat na pagkain, at akses sa mga serbisyong panlipunan? Wala silang ginagawang labag sa batas,”
ani Salvador.

Sinabi din ni Salvador na minamaksimisa ng gobyerno ang implementasyon ng mga mapanupil na batas gaya ng Anti-Terrorism Act, at mga institusyong lumalabag sa karapatan ng mga aktibistang sibilyan gaya ng  National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“May dahilan kaming mangamba na sasahol lang ang sitwasyon ng panunupil at pandarahas sa ilalim ni   Marcos Jr,” aniya.

Nanawagan ang mga aktibista na palayain ang mga dinukot na sibilyan.

Ilitaw at Palabasin ang mga Nawawalang Aktibista 

Nagpatuloy pa rin ang pangha-haras sa mga aktibistang pangkalikasan. Dalawang buwan na iligal na kinulong ang environmental defender na si Vertudez “Daisy” Macapanpan matapos siyang dukutin noong Hunyo 11 at kinasuhan ng rebelyon. Pinalaya siya ng Lucena City District Jail noong Agosto 10 at binigyan ng pansamantalang kalayaan sa pamamagitan ng pyansa  ng Infanta RTC Branch 65. 

Ang 69-taong si Macanpan ay inaresto ng mga pulis sa kanyang probinsya sa  Pakil, Laguna sa bisa ng  isang warrant na wala man lang ang pangalan niya. Bago siya inaresto, aktibo siyang nangangampanya laban sa pagtatayo ng 1400 MW Ahunan Hydropower Plant sa itaas ng mga kabundukan ng Pakil. Iginigiit ng mga environmentalist na sisirahin ng powerplant ang natural na kalikasan ng Pakil at mga kalapit na probinsya, partikular na ang mga malinis na katubigan.

Sa isang online press conference matapos siyang makalaya, ibinahagi ni Macapanpan  ang kanyang mga karanasan bilang detinidong pulitikal at ang iligal na prosesong ginamit para ikulong siya.

“Isang malaking bangungot ang lahat ng ito. Alam nating hindi dapat itayo ang mga dam sa ibabaw ng mga kabundukan, at ito ang dahilan kung bakit nagpo-protesta tayo laban dito.  Inaresto at kinulong ako dahil tumindig ako kasama ng maraming iba na gustong proteksyunan ang mga kabundukan ng Pakil at ang kapaligiran. Gusto lang naming mapangalagaan ang mga natural watershed ng Pakil at tiyaking magagamit pa rin sila ng mga darating na henerasyon,” pagbabahagi niya.

Nagpyansa si Macapanpan ng P200,000 (US$3,575), at ang pagdinig sa kanyang kaso ay magsisimula ng Setyembre 2.

Isang pang kaso ng iligal na pag-aresto ay ang ginawa ay Tes Pielago, dating tagapangulo ng  Bicolana-Gabriela at ang ika-apat na nominado ng progresibong party-list na Bayan Muna noong halalan ng 2019.

May sakit ang 63-taong si Pielago at nagpapagamot sa Dr. Nilo O. Roa Memorial Foundation Hospital sa  Naga City nang madaling araw ng Hulyo 28 ay  pinasok ng mga pulis at sundalo ang kanyang kwarto sa ospital at pinakitaan ng warrant sa mga salang pagpatay at tangkang pagpatay.

Dekada nang lider kababaihan si Pielago na nagtatanggol sa karapatan ng mga konsumer laban sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Mga Bilanggong Pulitikal

Isa pang kongkretong patunay na waring walang pakialam ang bagong gobyerno sa karapatang pantao ay ang katahimikan ni Marcos Jr sa usapin ng halos 800 na bilanggong pulitikal sa bansa.

Dismayado ang grupong Kapatid sa pagbabale-wala sa kanilang mga kamag-anak at mahal sa buhay na kinulong sa mga gawa-gawang kaso. Ang Kapatid ay ang support organization ng mga kamag-anak at kaibigan ng mga detinidong pulitikal at nagtratrabaho sila upang mapalaya ang mga bilanggo at mapangalagaan ang kanilang mga karapatan at kagalingan habang nasa loob ng bilangguan.

Ang asawa ng tagapagsalita ng Kapatid na si Fides Lim ay nakakulong mula Nobyembre 2018 sa gawa-gawang kaso ng illegal possession of firearms. Si Vic Ladlad, 72, ay isang kilalang tagapagtaguyod ng kapayapaan sa Pilipinas.

Sinabi ni Lim na bilang mga kamag-anak ng mga presong pulitikal, wala silang ibang magagagawa kundi makipag-usap sa pamahalaan kahit pa mababa ang kanilang mga ekspektasyon sa mga bagong opsiyales. Hindi rin sila umaasang makakatulong ang bagong kalihim ng   Department of Justice (DOJ) na si Crispin Remulla. 

“Ang problema kay Ginoong Remulla ay nagsisimula sa pananalita pa lang niya. Isa siyang red-tagger at sinabi niyang ilalantad langniya ang mga taong kanyang inaakusahan bilang mga pulahan.” 

“Hindi dapat hinahatulan ng DOJ ang sinuman habang hindi pa humaharap sa korte o nagkaroon ng oportunidad na ipagtanggol ang sarili. Sinasabi ni Remulla na propesyunal siya at konstitusyunalista, pero siya mismo ay hindi ganoon ang asta. Gayunpaman, haharap pa rin kami sa dayalogo sa DOJ,” paliwanag ni Lim.

Sinabi ni Lim na dapat unahin ng DOJ ang mga kaso ng mga detinidong pulitikal na pawang umano ng mga ginawan ng gawa-gawang kaso at tinamnan ng mga ebidensya upang bigyang dahilan ang mga pulis na hulihin at arestuhin sila. 

“Napakaraming detinidong pulitikal ang inaakusahan ng illegal possession of firearms, pero pag siniyasat nang malapitan ang mga kaso nila, madaling makita na peke ang mga kaso at tinanim lang ang mga armas o granada sa kanila nung inaaresto nila,”  giit niya. 

Ayon kay Lim, sunod-sunod nang pinapawalang-sala ng mga korte ang mga kaso ng ilang aktibista dahil nilabang ng mga arresting official ang tamang proseso ng pag-aresto, at pag-secure ng ebidensya.  

Nanawagan ang mga aktibista na palayain ang mga bilanggong pulitikal.

Basa ng Dugo  

Kung gusto ni Marcos Jr na ayusin ang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa, dapat ay bigyang katarungan niya ang lahat ng mga naging biktima ng pinalitan niyang presidente. Pagsapit ng dulo ng taong 2021, tinataya ng mga internasyunal na grupong nagbabantay sa karapatang pantao na umabot sa   20,000 ang mga biktima ng  murder, forced disappearance, tortyur, at pagkulong. Umabot naman sa 5,000 ang mga biktima ng iligal na pag-aresto at pagkulong.

Marami rin nagin atake sa mga karapatang sibil. Pinasara ang isang mayor na television network na ABS-CBN, at sumusulong ang kaso ng libel na sinampa laban kay   Nobel Peace Prize laureate Maria Ressa na isang peryodistang nagsusulat ng mga artikulong naglalantad sa pang-aabuso ng pamahalaan. Inaatake din ang mga independienteng media outlet na Bulatlat at Pinoy Weekly na kapwa kritikal sa pamahalaan at pumapalag sa censorship at katiwalaan.

Sa dulo ng 2021, umabot sa 437 ang mga kaso ng tangkang pagpatay sa mga aktibista at kritiko ng gobyerno; 2,807 na kaso na iligal na pag-aresto na walang pagkulong; 1,161 na kaso ng iligal na pag-aresto na may kasunod na pagkulong; at  1,367 na kaso ng illegal search at seizure.

Sa mga probinsya, mas malala ang mga atake ng mga sundalo at kapulisan sa karapatan ng mga sibilyan, partikular sa hanay ng mga magsasaka at katutubong Pilipino. Pinamumunuan ng mga sundalo ang pagbira sa mga pagkilos at pagtitipon ng mga magsasaka na mapayapang nagpo-protesta sa kahirapan at pagpapalayas mula sa kanilang mga lupaing sinasaka. 

Na-monitor din ang  470,747 na kaso ng forced evacuation, 580,258 na kaso   threat/harassment/intimidation na gawa ng mga armadong pwersa ng gobyerno,  11,635 na insidente ng  indiscriminate firing, at kagimbal-gimbal na  376,809 kaso ng pambobomba sa mga komunidad ng mga magsasaka at katutubo.  Naiulat ng mga grupong pangkarapatang pantao  57,502 na kaso ng paggamit sa mga eskwelahan, at mga medikal at relihiyosong pampublikong lugar bilang mga tirahan o kampo ng militar.

Nagpatuloy din ang mga bayolasyon sa karapatan ng mga Pilipino sa iba’t ibang panig na bansa kahit sa panahong rumaragasa ang pandemyang COVID-19.

Walang Pag-atras sa Pagdepensa sa Karapatan ng mga Pilipino

Sa pinakahuli, nangangako ang mga human rights advocate na babantayan nila ang mga hakbang at proklamasyon ni Marcos Jr. Gayundin ang sinabi ng international human rights community.

Nitong Hulyo, pinasa ng konggreso ng Estados Unidos ang isang amyenda sa batas kaugnay sa tulong na binibigay ng EU sa pondong pandepensa ng Pilipinas. Hinihinto na ng EU ang pagbibigay ng pondo sa Pilipinas para sa kagamitan at pagsasasanay ng Philippine National Police (PNP) hangga’t hindi nito napapatunayan na sumusunod na ito sa mga pamantayan ng karapatang pantao.

Ang amyenda sa National Defense Authorization Act for 2023 ay itinulak ni Pennsylvania Rep. Susan Wild at ipinasa ng konggreso sa pamamagitan ng voice vote. Sinasabi din sa amyenda na walang matatanggap na tulong ang PNP hangga’t hundi nalalantad at napaparusahan ang mga pulis na sangkot sa paglabag sa karapatang pantao.

“Kailangan ng lahat mga Pilipino ang lahat ng pwedeng makuhang suporta upang bantayan ang kanilang mga karapatan laban sa pang-aabuso ng gobyerno. Walang ligtas sa isang pamahalaang binabalewala ang buhay at kagalingan ng mahihirap. Senyales ang katahimikan ng gobyerno sa mga usapin ng extradjudical killings kasama na ang pagpatay sa mga bata na magpapatuloy sa pagpatay ang militar,” ani Palabay ng Karapatan.

“Hindi tayo papayag na maulit ang pagdami ng mga bangkay gaya ng nangyari noong panahon ni Duterte,” pagwawakas niya.#

Mga larawan mula sa  Gabriela, KIlusang Mayo Uno, and Karapatan.

The best maritime news and insights delivered to you.

subscribe maritime fairtrade

Here's what you can expect from us:

  • Event offers and discounts
  • News & key insights of the maritime industry
  • Expert analysis and opinions on corruption and more